Palasyo itinangging walang ginawa si PNoy sa SAF 44
Hataw News Team
January 20, 2016
News
MARIING itinanggi ng Malacañang na pinabayaan at walang ginawa si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III para iligtas ang napapalabang 44 PNP-Special Action Force (SAF) sa Mamasapano, Maguindanao.
Magugunitang sinabi ni Sen. Juan Ponce-Enrile, may hawak siyang ebidensiya para patunayang aktibong kabahagi si Pangulong Aquino sa pagpaplano at preparasyon ng Mamasapano operation ngunit walang ginawa sa kasagsagan ng operasyon hanggang matapos ang bakbakan sa BIFF, MILF at private armed groups elements.
Sinabi ni Communications Sec. Sonny Coloma, ginawa ni Pangulong Aquino ang dapat gawin bilang commander-in-chief.
Ayon kay Coloma, bukod kay Pangulong Aquino, mayroon din ginawa ang kinauukulang mga opisyal ng pamahalaan at lahat ay naibunyag at naisiwalat na sa nakaraang mga pagkakataon.
Maraming imbestigasyon na rin aniya ang nagawa at bukas nilang sinagot ang mga katanungan.
‘Special Motives’ sa SAF 44 Probe itinanggi ni Enrile
ITINANGGI ni Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile na politika ang nasa likod ng kanyang isinusulong na pagbukas muli ng imbestigasyon sa Mamasapano encounter upang idiin si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino sa pagkamatay ng 44 miyembro ng Special Action Force (SAF).
“Baka sabihin nila ginagamit ko ito. Andami na nilang intrigang ibinabato sa akin e. There are no special motives here. This is nothing new unless I’m not going to do it,” wika ni Enrile.
Tahasang sinabi ni Enrile, ang tanging layunin ng kanyang hirit na muling pagbukas ng imbestigasyon sa sumablay na operasyon laban sa international terrorist na si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan, ay upang lumabas ang katotohanan at kung sino ang may kapabayaan.
“The only objective here is the truth. Are there people lying in what they said or not? That’s it. If they did not lie, I have nothing to say. If they did not lie, they have nothing to worry. If they have performed their jobs while in office, they have no worry,” dagdag ni Enrile.
Magugunitang ipinangangalandakan ng pamahalaang Aquino ang pinalakas nilang kampanya laban sa korupsoyon at marami anilang nakasuhan.