Korupsiyon sa LTO
Robert B. Roque, Jr.
January 19, 2016
Opinion
KUNG may mga isyu ng iregularidad at korupsiyon na ipinupukol sa Bureau of Customs at Bureau of Internal Revenue ay gayon din sa Land Transportation Office (LTO), bagaman hindi ito garapalan sa unang tingin.
Wala naman masama sa pangongolekta ng LTO ng P50 sa bawat sasakyan bilang bayad sa sticker para sa kanilang plate o plaka noong isang taon, kung totoong may sticker silang ibibigay.
Pero hanggang ngayon ay wala pa rin inilalabas na 2015 sticker. At kapag may nagtanong ukol dito o kung maire-refund ang P50 ay walang maisagot ang mga taga-LTO. Wala raw silang alam at walang utos sa kanila.
Ayon sa National Statistics Office, mahigit 8 milyon ang bilang ng rehistradong sasakyan noong 2014, at batid natin na patuloy itong dumarami.
Hindi man kalakihan ang P50 ay lumalabas na mahigit P400 milyon ang naibulsa ng LTO mula sa mga may-ari ng rehistradong mga sasakyan. Hindi biro-biro ang halagang ito.
Kung kathang-isip lang ang sinasabing sticker at hindi na maire-refund ang ibinayad dito, harap-harapan bang panloloko ang ginawa ng LTO sa vehicle owners?
At kanino mapupunta ang mahigit P400 milyon? Hindi kataka-taka kung marami ang magduda na gagamitin ito para pondohan ang nalalapit na halalan.
Ang mga mamamayan ay nakasanayan na ring maging sunud-sunuran pero mapagmatyag, naghihintay ng pagkakataon na makabawi sa pamamagitan ng halalan. Ito ay kung magiging parehas ang magaganap na halalan.
***
Narito ang komento sa email ng ating tagasubaybay mula Lipa City, Batangas na si Arthur Vergara:
“Mas nagtitiwala ako ngayon sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas dahil kinumpirma nila na noon pang Disyembre ng 2015 ay walang tropa ng gobyerno ang nagtatrabaho bilang security personnel ng mga opisyal ng gobyerno at politiko. Ito ay para sa maayos at mapayapang halalan ngayong taon.
“Malaki na talaga ang ipinagbago sa ating (ka)sundalo(han). Hindi lang ang kanilang kagamitan ang namodernisa, pati na rin ang kanilang pamamaraan at pamamahala.”
Hangad ni Vergara na magpatuloy ang professionalism ng mga sundalo at laging isapuso ang pagmamahal sa bayan at pagseserbisyo.
Ang Firing Line ay isa sa mga natutuwa at nagpapasalamat kung ang pagbabago at kaunlaran ay tunay na natatamo ng puwersa ng gobyerno, at hindi napupunta lang sa bulsa ng kung kani-kanino.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.