Baluktot ang katuwiran para sa mga mamamayang kanilang ‘ginagatasan’ (Si Pnoy at ang SSS)
Jerry Yap
January 16, 2016
Bulabugin
SEGURIDAD para sa mga manggagawa at empleyadong nagtatrabaho sa pribadong sektor para sa kanilang mga biglaang pangangailangan, hindi inaasahang pangyayari gaya ng aksidente sa trabaho na maaaring magresulta sa pagkawala ng kakayahang makapagtrabaho pang muli o kamatayan, at hanggang sa kanilang pagreretiro.
‘Yan ang nalalaman nating layunin kung bakit itinatag ang Social Security System (SSS).
Maliit man ang nakukuhang benepisyo, pero ipinagmamalaki noon ng isang manggagawa o empleyado kapag may SSS sila. Lalo na noong nakapaloob pa rito ang Medicare. Pero ngayon ay wala nang Medicare, isinilalim na ito sa PhilHealth.
Mayabang din noon ang mga nagreretiro kasi may natatanggap silang pension mula sa SSS kada buwan.
Maliit nga lang pero parang nagiging ‘security blanket’ ng mga manggagawa at empleyado sa pribadong sector ‘yang tatlong letra na ‘yan — SSS.
Kaya naman nang pumutok ‘yang House Bill 5842 na nagdadagdag ng P2,000 sa buwanang pension ng mga retirado at pensioner’s survivor marami ang natuwa.
Sa hindi nga namang maintindihang dahilan ‘e walang tigil ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at s’yempre dahil mga retirado na, marami na rin iniinom na gamot para sa maintenance ng kalusugan.
Pero ang kasiyahan nilang nakabitin sa kung ilang panahon ay tuluyang naunsiyami nang i-VETO ni PNoy ang HB 5842.
Ibig sabihin, ang HB 5842 ay aprubado sa Kamara at sa Senado pero pagdating sa Malacañang… THUMBSDOWN!
Boom PANOT ‘este PANIS!
Hindi lang lungkot kundi galit ang naramdaman ng SSS pensioners dahil sa veto ni PNoy na ang katuwiran ay ‘malulugi’ raw ang SSS kapag dinagdagan ang pension ng members.
SONABAGAN!
SSS ba ang malulugi o mababawasan ang perks & privileges ng appointed officials, Board of Directors at sandamakmak na sulsultants este consultants?!
Kapag milyon-milyong bonus nina De Quiroz at mga opisyal ng SSS, matulin pa sa alas-kuwatro ang Malacañang.
Pero kapag para sa benepisyo ng mga miyembro ng SSS na kanilang ginagatasan, okey lang gamitin ang makapangyarihang VETO ng Presidente?!
Hello! Okey ka lang, PNoy?!
Kailan ba matutuloy ang pagpapasagasa mo sa tren?!
Huwag mo nang hintayin ang eleksiyon!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com