P180-M shabu nasabat 2 Tsinoy arestado
Hataw News Team
January 13, 2016
News
NASABAT ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police Anti-Illegal Drug Group (PNP-AIDG) ang aabot sa P180 milyong halaga ng shabu sa buy-bust operation sa Valenzuela City, nitong Martes.
Arestado ang dalawang Filipino Chinese na kinilalang sina Sonny Ang, 67, mula sa La Trinidad, Benguet, at Benito Tuseco, 47, mula sa San Pablo, Laguna.
Ayon kay PDEA-Public Information Office OIC Glenn Mapalad, nasamsam nila mula sa mga suspek ang 36 kilo ng shabu.
Ang pagkakaaresto ng dalawa ang dahilan upang matunton ng mga operatiba ang isang bodega na pinaglalagakan ng shabu.
Nakita rito ang 12 milling machines na pinagtataguan ng mga droga.
“Malalaki ang mga makina na nakabalot pa sa cellophane plastic, at nakabalot pa sa crates.”
Dagdag niya, posibleng imported ang mga makina.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang mabatid kung saang grupo kaanib ang mga arestado, ngunit ani Mapalad, sa isang malaking sindikato nauugnay ang mga suspek.
Guro, asawa anak arestado sa P2-M shabu
CEBU CITY – Arestado ang isang guro gayondin ang asawa’t anak niya sa isinagawang drug raid ng Provincial Intelligence Branch (PIB) ng Cebu Provincial Police Office (CPPO) sa Brgy. Campo, bayan ng San Francisco, isla ng Camotes, Cebu, kamakalawa ng gabi.
Sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Danao RTC Judge Jerry Dicdican, sinalakay ng mga awtoridad ang bahay ng gurong si Maria Jocelyn Arquillano, 52, nagtuturo sa Consuelo National High School, mister niyang si Diosdado Arquillano, 54, at anak na si Richard Arquillano, 28, pawang mga residente ng nasabing lugar, makaraan ang dalawang linggong surveillance.
Una nito, matagal nang nagrereklamo ang mga residente ukol sa pagkalat ng droga sa lugar at mismong ang barangay kapitan pa ang lumapit sa pulisya ngunit wala anilang ginawang aksiyon ang mga awtoridad.
Umaabot sa 177 grams ng shabu na nagkakahalaga ng P2.88 milyon ang kabuuang nakompiska ng mga awtoridad mula sa mga suspek.
Bukod dito, nakompiska rin ng mga pulis ang dalawang KG9 at 45 caliber pistol.
Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa mga suspek.
Almar Danguilan / Ric Roldan