CAGAYAN DE ORO CITY – Sugatan ang tatlong political supporters ng dalawang magkaalyadong local political leaders sa bayan ng Kauswagan, Lanao del Norte.
Ito’y makaraang paulanan ng mga bala mula sa grupo ni disqualified Mayor Rommel Arnado sa mismong harapan ng municipal hall ng Kauswagan ilang oras bago ipatupad ang nationwide gun ban ng Commission on Elections (Comelec).
Inihayag ni Lanao del Norte provincial police director, Senior Supt. Madid Paitao, isang Monita Tomimbang ang sinasabing nakakita sa grupo ni Arnado kasama ang kanyang Civil Security Unit, na lumapit sa encampment tents ni dating Lanao del Norte board member Casan Maquiling at nagpaputok ng bitbit nilang mga baril.
Sinabi ni Paitao, nakainom ng alak si Arnado nang lumapit sa grupo ni Maquiling na nauwi sa pananambang.
Agad inawat ng militar at pulisya ang grupo ni Arnado ngunit halos hindi sumunod sa pakiusap para humupa ang gulo sa lugar.
Kaugnay nito, maghahain ng kasong kriminal ang grupo ni Maquiling laban kay Arnado.
Kabilang sa mga sugatan ang dalawang kalalakihan at isang babae na agad dinala sa district hospital ng lalawigan.