‘Tiwalag’ mali sa paratang (Ocular inspection hiniling ng INC)
Hataw News Team
December 18, 2015
News
NAGPAHAYAG ngayon ang pamunuan ng Iglesia ni Cristo (INC) na ang “ocular inspection” sa pangangasiwa ng hukuman sa INC compound noong Disyembre 16 ay patunay sa kawalan ng basehan at kabalintunaan ng mga alegasyong inihayag ng mga tiniwalag na miyembrong sina Angel Manalo at Lottie Hemedez na nagsabing pinagbabantaan ang kanilang kalayaan at sila ay binabarikadahan sa loob ng nasabing compound nang labag sa kanilang kagustuhan.
Ayon sa tagapagsalita ng INC na si Edwil Zabala, kabaligtaran ang paratang ng mga nabanggit na ‘tiwalag’ dahil ang pangasiwaan ng INC ang humiling sa Quezon City Regional Trial Court Branch 222 ng “ocular inspection” sa pangunguna ng hukuman sa loob ng No. 36 Tandang Sora Avenue, Quezon City na pagmamay-ari ng Iglesia at kasalukuyang tinitirhan ni Manalo at Hemedez, upang malaman ang pagkatao ng lahat ng nasa loob.
“Upang maliwanag sa lahat, ang Iglesia ang humingi sa hukuman ng ocular inspection dahil nais naming ipakita sa korte na hindi namin pinipigilan si Manalo at Hemedez sa loob ng nasabing compound at malaya silang nakakapaglabas-masok doon,” paliwanag ni Zabala.
“Natutuwa kaming nakikita ng mga kinauukulan at kahit ng publiko ang kabalintunaan ng kanilang mga alegasyon.”
Nagsampa noong Oktubre ng petition for injunction ang INC na nagbabawal sa mga hindi otorisadong mga bisita na pumasok sa compound matapos mapabalitang may mga taong hindi-kilala at nakatago ang mukha na pumapasok at lumalabas sa nasabing ari-arian na katabi lamang ng INC Central Office, kabilang na ang ulat na may nakikitang mga armadong tao doon. Iniutos ng korte ang “ocular inspection” upang malaman ang bilang at pagkatao ng mga nakatira at pumupunta sa nasabing compound.
Iginiit din ni Zabala na hiniling din ng INC sa hukuman na utusan si Manalo at Hemedez na magbigay ng listahan ng mga taong pinapayagan nilang pumasok sa nasabing ari-arian, ngunit patuloy na sinusuway ng mga ito ang direktiba ng hukuman.
“Ang bahay na tinitirhan ni Manalo at Hemedez ay pagmamay-ari ng Iglesia. Dahil sila ay tiniwalag ng Iglesia, si Manalo at Hemedez ay wala nang karapatang manatili sa nasabing compound,” paliwanag pa ni Zabala.
“Bilang tagapangasiwa ng Iglesia, ang pamunuan ng INC ay may kapangyarihang legal at moral na responsibilidad na siguruhing ang mga pagmamay-ari ng Iglesia ay hindi nagiging kasangkapan sa ilegal na gawain at maging kasangkapan sa mga gawaing hindi ayon sa turo ng Iglesia,” dagdag pa ng ministro.
Ayon kay Zabala, ito ang nagbunsod sa kanilang beripikahin ang mga balitang may mga armadong kalalakihang pinapayagan ni Manalo at Hemedez na pumasok sa nasabing compound. Noong Oktubre, may ilang dating kagawad ng Philippine Marines na nagtangkang pumasok sa compound sa pangunguna ni Capt. Nicanor Faeldon ngunit pinigilan ang mga ito ng INC Security.
“Nais sana naming malaman kung sino sila at ano ang layon ng kanilang pagpunta doon,” ayon kay Zabala. “Dapat lamang na maging sanhoi ito ng aming pag-aalala. Sila ay umuukopa ng isang pag-aari na malapit sa Central Office at sila ay nakikitang kasama doon ang mga di-otorisado at kahinahinalang mga tao. Isa sa mga ito ay inilabas nga sa compound ilang linggo na ang nakaraan. At nagulat na lamang kaming patay na pala ito. Hanggang ngayon, walang makapagpaliwanag kung bakit may ganoong pangyayari sa loob.”
Hinimok din ni Zabala si Manalo at Hemedez na tigilan na ang patuloy na paninira sa Iglesia sa mata ng publiko at ihayag na lamang ang kanilang mga saloobin sa tamang “venue” gaya ng hukuman.
“Kung tunay ang kanilang pananampalataya sa doktrina ng Iglesia, tigilan na nila ang kanilang pang-iintriga at ang kanilang pagpapahiya sa INC sa publiko. Nagsampa sila ng mga kaso, at nirirespeto natin iyon. Sana’y hayaan nilang uminog ang proseso ng hukuman, ipasailalim ang lahat sa ‘trial by publicity.’”