INC lumago sa suporta (Kauna-unahan sa kasaysayan)
Hataw News Team
December 15, 2015
News
SA KAUNA-UNAHANG pagkakataon mula nang maitatag sa Filipinas, ngayon higit na natatamasa ang mabilis na paglago dahil sa suporta mula sa loob at labas ng Iglesia ni Cristo (INC).
Mahigit 17 kapilya ang naipatatayo at isinasaayos kada buwan mula nang mag-umpisang mangasiwa si Ka Eduardo V. Manalo noong Setyembre 2009 – dahil sa pagbuhos ng suporta ng mga miyembro na “pa-tuloy ang pagyakap sa pananampalataya at taos-pusong nananalig sa pagpapalaganap ng ebanghelyo.”
Ito ay ayon sa tagapagsalita ng INC na si Edwil Zabala kasabay ng pahayag ngayong Lunes na nasa 1,091 ang mga kapilya sa Filipinas na “naihandog” sa ilalim ng pamumuno ni Manalo, na sinalo ang pangangasiwa ng Iglesia matapos ang pagpanaw ng amang si Ka Eraño G. Manalo noong Agosto 2009.
Bukod pa ito sa marami pang mga kapilyang naipatayo sa ibayong dagat.
“Ang mga bagong kapilyang ito ay bantayog na patunay sa kabutihang-loob ng mga kapatid. Ngayon lang nangyari sa kasaysayan ng Iglesia ang ganito kainit na suporta,” ayon kay Zabala.
Kabilang sa mga lalawigang may bagong patayo at bagong ayos na kapilya ang Bataan, Benguet, Bulacan, Cavite, Camarines Sur, Cebu, Cotabato, Davao Del Sur, Davao Oriental, Iloilo, Laguna, La Union, Leyte, Nueva Ecija, Negros Occidental, Palawan, Pangasinan, Rizal, Tarlac, at Zambales.
Maraming kapilya rin sa Metro Manila ang “inihandog,” kabilang ang mga itinayo sa mga lungsod ng Caloocan, Malabon, Manila, Muntinlupa, Navotas, Pasay, Pasig, Taguig, at Quezon City,
Ayon sa Ministro, lahat ng miyembro ng INC ay malayang nakapagbibigay ng kahit na anong suporta sa mga hakbang ng pangasiwaan tungo sa pagpapalago ng Iglesia, “at nakatataba ng puso ang makita ang bunga ng kanilang kabutihan at pakikiisa; iba kasi talaga pag nakikita mo kung saan napupunta ang tulong mo.”
Makikita sa resulta ng pagtatalang isinagawa sa buong bansa ng National Statistics Office noong 2010 na pangatlo na sa pinakamalaking relihiyon sa Filipinas ang Iglesia ni Cristo na 2.45 percent ng populasyon ay kapanalig nito – kasunod ng mga Katoliko at Islam.
Sa kabila ng mga “gawa-gawang kontrobersiya” at “nuisance cases” na ayon kay Zabala ay sadyang nakaumang sa pagkakawatak-watak ng mga kapatid, “patuloy ang mabilisan at matatag na paglago ng INC.”
“Naniniwala ako na ang mga nagawang ito sa nagdaang taon ay buhay na patotoo sa pananampalataya ng mga kapatid na batid ang katotohanan sa gitna ng mga hamong kinakaharap ng Iglesia. Ang amin lamang pong palagiang dalangin ang biyayan ng kalinawan ang aming mga kritiko at ang matigil na ang paninirang isinasadlak nila sa amin.”