Banta sa kapwa taga-media
Robert B. Roque, Jr.
December 15, 2015
Opinion
NAMEMELIGRONG mapabilang sa mahabang listahan ng media killings ang isang kapwa taga-media kapag napatay siya ng killer na inupahan umano ng sindikato na kanyang binira sa programa sa radyo at column sa tabloid.
Isang kaibigang reporter daw ang nag-tip sa broadcaster/tabloid columnist na si Rex Cayanong na isa siya sa limang taga-media na ipaliligpit ng gambling lords at drug lords.
Pero higit pa sa sariling kaligtasan, ang ipinag-aala ni Cayanong ay target din ng sindikato ang kanyang pamilya. May banta pa umano na kapag hindi nila napatay si Cayanong ay dudukutin nila ang kanyang anak.
Nang mapuna ni Cayanong na sinusundan ng riding in tandem ang kanyang sasakyan saan man kalsada siya dumaan at parang naghahanap ng tiyempo, ay napagtanto niya na mukhang may nagbabalak nga sa kanyang buhay.
Bilang pag-iingat ay ipina-blotter niya ito sa Taytay Police Station. Dumulog na rin siya sa Police Security Protection Group (PSPG) ng Camp Crame.
Bagaman hindi pa natutukoy ni Cayanong kung sino ang nagpapapatay sa kanya, naaalala nito na ang huli niyang binanatan sa programa ay ang pamamayagpag na drug lords sa New Bilibid Prisons (NBP).
Pero posible rin daw na alkalde ito ng Metro Manila na sangkot sa droga, o si alyas “Doce” na kilalang gambling lord na namamayagpag sa Central Luzon, na pawang nakatikim ng kanyang pagbatikos.
Tinatawagan natin ng pansin ang PNP, NBI at ibang mga awtoridad na kumilos at arestohin ang mga bumubuntot kay Cayanong bago pa mahuli ang lahat.
Kung sa mga naunang kaso ay wala kayong nagawa dahil naisakatuparan na ang pamamaslang, kay Cayanong ay may pagkakataon kayong pigilan ang krimen bago pa ito maganap, at hulihin ang nasa likod nito. Huwag ninyo sanang aksayahin ang pagkakataong ito.
Huwag ninyong hayaang humaba ang listahan ng napaslang na taga-media at ipakita sa buong mundo na ang seguridad na ipinatutupad ng gobyerno ay walang kakayahang protektahan ang buhay ng ating mga mamamahayag.
Totoo na maraming nababanatan ang mga taga-media sa programa sa radyo o telebisyon, at sa mga kolum sa diyaryo.
Pero ang lahat nang ito ay puwedeng sagutin sa programa o kolum kung saan sila nabatikos, nang hindi humahantong sa anumang karahasan.
***
SHORT BURSTS. Para samgakomento o reaksiyon, mag-email [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.