Cyber sabong ilegal (NBI nagbabala sa may-ari ng sabungan)
Hataw News Team
December 14, 2015
News
HINDI lang ang operator ng ilegal na tayaan sa sabong websites ang kakasuhan kundi maging ang may-ari ng sabungan kung saan ginaganap ang live streaming ng pasabong.
Ito ang seryosong babala ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos salakayin kamakalawa ng mga tauhan nito ang isang sabungan sa Tarlac City at naaktohan ang ilegal na pustahan ng mga sabungero sa pamamagitan ng internet online betting.
Naaresto ng mga operatiba ng NBI sa loob ng New Tarlac Coliseum (NTC) sa Brgy. Binaguanan, Tarlac City ang mga tauhan ng sinasabing illegal na sabong-betting websitesna www.sabongtambayan.com at www.sabongworld.net
Sa bisa ng isang search warrant na inisyu ni Judge Richard Paradeza, nahuli sa akto ang video recording ng mga sultada at pagpapalabas nito sa internet nang live upang mapagsugalan ng online players.
Bilang ebidensiya, agarang idinokumento ng mga operatiba ang pangyayari at kinompiska ng NBI ang equipment na gamit sa broadcast online ng nasabing websites.
Kasama sa mga kinompiska ang laptops, desktop computers, internet modems, LTE broadbands, audio mixers, video switchers at mga camera na gamit sa broadcast online.
Ang mga nahuling operators at crew nito ay pansamantalang pinakawalan pero sila ay kakasuhan sa regular filing ng NBI ng kasong illegal gambling at cyber crime.
Ang mga nagmamay-ari ng mga website na nahuli ay mahaharap din sa patong-patong na kaso.
Panawagan ng NBI sa operators at crew ng ibang illegal online sabong website na nag-o-operate sa ibang lugar sa Filipinas, siguraduhin na may matibay na permits at license to operate ang may-ari ng websites.
Binalaan din ang mga may-ari at operators ng mga sabungan na siguruhin ang mga nais mag-cover sa kanilang mga palaban ay may legal na lisensiya o permiso.
“Tulad nang lagi naming paalala, hindi maaaring maging dahilan ng isang mare-raid na sabungan na hindi niya alam na illegal ang website na nagko-cover sa pasabong nila dahil dapat may pananagutan din sila sa pagpayag na mag-cover at ipalabas sa internet ang kanilang pasabong upang mapagsugalan,” pahayag ng NBI.
Matatandaan na una nang nasakote ang mga online-sabong sites na www.sabongcavite.com at www.sabongch.com.
Kabilang din sa mga sinasabi na maaaring makasuhan dahil sa paglabag sa Republic Act 10175 o Anti-Cybercrime Law ay mga sabong-online betting websites na www.sabongbisaya.com www.sabongglobal.com ;www.sabongprince.com ; www.sabongtayo.com; www.sabongiloilo.com ; www.sabongpoint.com ; www.sabongkabayan.com; www.sabongbig5.com ; www.sabongnow.com ;www.sabongN.com ; www.sabongquezon.com ; www.marangalsabungero.com/; www.sultadahan.com/ ; www.sultadahan2.com/ ; www.kakaruksabong.com ; www.sabongw.com ; www.sabongarena.net ; www.esultada.com.ph/ ; www.sabongbatangas.com/ ; www.sabong5.com atwww.sabongqueenlive.com