Pagpapaamo ng dila ni ‘Digong’
Robert B. Roque, Jr.
December 8, 2015
Opinion
MAY mga nagsabi sa akin na dapat maitiwalag sa relihiyon si Davao City Mayor Rodrigo “Digong” Duterte dahil ang pagmumura niya kay Pope Francis ay katumbas ng pagtanggi na magpailalim sa Papa.
Mabuti at humingi siya agad ng paumanhin. Marahil ay naisip niya na maraming boto lalo na mula sa mga Katoliko at Protestante ang puwedeng mawala nang dahil sa kanyang ginawa.
Ang pagmumura kanino man, lalo na sa kinatawan ni Kristo o sino man banal na tao ng kahit aling relihiyon, ay talagang makasalanan.
Ayon sa James 3:8 ng Biblia, “Datapuwa’t ang dila ay hindi napaaamo ng sinomang tao; isang masamang hindi nagpapahinga, na puno ng lasong nakamamatay.”
Pero hindi lang ito tungkol sa pagmumura. Sa pag-amin na isang babaero at pagpaslang sa mga kriminal nang walang pagsisisi ni katiting, itinuturo ni Duterte sa mga tao at kabataang Katoliko na tamang gawin ang ganitong mga bagay. Ito ay kriminal, imoral at maliwanag na mga kasalanan.
Nililinaw ko na hanga ako kay Duterte sa pagiging prangka at masigasig na maipatupad ang kapayapaan at kaayusan kahit sino ang masaktan.
Kailangan natin ng malakas at tapat na pinuno pero hindi ang naglalarawan sa pagpatay ng kriminal na makatuwiran, na ang pambababae ay simbolo ng tunay na pagkalalaki, at ipinagyayabang ng nagliliyab niyang dila sa publiko.
Magmumukha pa siyang “presidential” kung inamin na nagtampisaw sa mga kasalanan at pagpapaalala na “huwag ninyo akong tularan.”
“Gayon din naman ang dila ay isang maliit na sangkap, at nagpapalalo ng malaking bagay. Narito, kung gaano kalaking gubat ang pinag-aalab ng lubhang maliit na apoy! At ang dila’y isang apoy: ang sanglibutan ng kasamaan sa ating mga sangkap ay dili iba’t ang dila, na nakahahawa sa buong katawan, at pinagniningas ang gulong ng katalagahan, at ang dila’y pinagniningas ng impiyerno.” (James Chapter 3:5-6)
Kahit hindi pagmumugin ng benditadong tubig o isailalim sa exorcism upang maitaboy ang kaluluwa na nagtutulak sa kanyang magmura, para mapaamo ang dila ni Duterte ay kakailanganin ang personal niyang pagtanggap sa mga kasalanan na may pagsisisi at pangako na babaguhin ang sarili.
Sa aking opinyon, magiging presidentiable siya sa mata ng lahat bunga nito.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.