Bagatsing pambato ni Duterte sa Maynila
Hataw News Team
December 8, 2015
News
OPISYAL nang inendoso ni Presidential candidate, Davao City Mayor Rodrigo Duterte si three-termer congressman Amado Bagatsing ng 5th District of Manila, bilang kanyang official candidate sa pagka-alkalde ng itinuturing na capital city ng bansa sa darating na 2016 elections.
Sa isang simpleng seremonya at pagtitipon na ginawa sa Century Park Hotel sa Maynila, itinaas ni Duterte ang kamay ni Bagatsing at pormal na inihayag bilang kanyang opisyal na kandidato sa lungsod ang anak ng dati at isa sa pinakamagaling na alkalde sa kasaysayan ng Maynila na si Mayor Ramon D. Bagatsing.
Ayon kay Duterte, sa kabila ng panliligaw ng kampo ng iba pang kandidato sa pagka-Mayor sa Maynila, mas pinili niyang dalhin at makipagsanib puwersa kay Bagatsing dahil sa malinis at magandang record nito bilang isang congressman ng distrito 5.
Katunayan nito, ang dedikasyong makapagbigay ng mahuhusay at makabuluhang tulong ni Bagatsing hindi lamang sa kanyang mga ka-distrito, ganoon na rin sa iba pang residente ng lungsod sa pamamagitan ng iba’t ibang programa at proyekto na nakapailalim sa Kabalikat ng Bayan sa Kaunlaran Foundation (KABAKA) na kanyang itinatag noong dekada 1980s.
Bukod dito, sinabi ni Duterte, ang kampanya ni Bagatsing kontra sa kahirapan, korupsiyon, droga at pagkakaroon ng hanapbuhay para sa mamamayan ng Maynila ang isa sa nagtulak sa kanya na magdesisyon na suportahan ang kandidatura ng kongresista kontra sa magkaaway na sina dating Mayor Aldfredo Lim at incumbent and re-electionist Mayor Joseph Estrada.
Anito, “I believe in the integrity of Congressman Amado Bagatsing. He has passion, he has a big heart in serving people of Manila, specially para sa mahihirap. Amado together with his KABAKA dedicated his almost whole life to serve the poorest of the poor. And definitely, I will help and support him, 100 percent to his campaign in preserving the peace and order in the city of Manila and the battle against poverty, corruption, criminality, and drugs,” paliwanag ni Duterte.
Si Bagatsing ay tatakbo sa ilalim ng “Ang Bagong Maynila Coalition-Team KABAKA,” isang local coalition kasama ang mga dating anak ng alkalde at kongresista ng lungsod na sina; 5th District Councilor Ali Atienza, bilang vice mayor, Manny Lopez, kandidato bilang congressman ng 1st District, 2nd district re-electionist Cong. Carlo Lopez, councilor DJ Bagatsing ng 4th district, Chari Bagatsing, 5th district, at 6th district re-electionist congresswoman Sandy Ocampo.
Samantala, nagpasalamat si Bagatsing sa tiwalang ipinagkaloob ni Duterte sa kanyang kandidatura. Naniniwala umano siya na ang kanilang parehas na paniniwala sa pagbibigay ng maayos, tama at hindi mapagkunwaring serbisyo sa taong bayan ang magbubukas sa tunay na pagbabago para sa lungsod ng Maynila at bansang Filipinas.