Friday , November 15 2024

2015 positibo para sa INC — Spokesman (Sa kabila ng mga hamon)

1208 FRONTINIHAYAG ng tagapagsalita ng Iglesia Ni Cristo (INC) na naging mabuti para sa Iglesia ang taon 2015 dahil sa mga gawaing nagtala ng mga panibagong “world records,” ang pagpapatuloy ng lumalagong bilang ng mga programang pangkabuhayan para sa publiko at ang pagdami ng mga benipisyaryo ng mga kawanggawang isinakatuparan ngayong taon, sa kabila ng mga hamon na kinailangan nilang harapin noong mga nagdaang buwan.                   

“Patuloy ang misyon ng INC na maging makabuluhan sa lipunan at maging tapat sa buhay-espiritwal ng mga Filipino, kaanib man o hindi. Bagama’t binalakid ng maraming hamon, ang paggabay ng aming pananampalataya sa Diyos at ang aming pananalig sa mga institusyon ng katarungan sa bansa ang siyang umakay sa amin upang pagtagumpayan ang mga ito,” ayon sa tagapagsalitang si Edwil Zabala.              

Tinutukoy ni Zabala ang mga isinampang reklamong “illegal detention” at kasong “harrassment” noong Agosto laban sa pamunuan ng INC. Ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang nasabing mga habla dahil sa kawalan ng ebidensya. 

“Lubos ang aming pasasalamat sa pagdadalisay na alok sa aming pagkakakilanlan ng ating sistema ng katarungan. Sa kabila ng aking binanggit, patuloy ang noon pa ma’y hangad naming pagtuunan ang mga gawaing pansibiko at kawanggawa para sa higit na nangangailangan sa ating kapwa,” ayon kay Zabala.              

Noong Oktubre, ang pelikulang “Felix Manalo” halaw sa buhay ng nagtayo ng INC ay naitala sa Guinness World Records at ginawaran ng parangal bilang “Largest Attendance For A Film Screening” at “Largest Attendance For A Film Premiere.” Tumabo din sa takilya ang nasabing obra ng direktor na si Joel Lamangan, na itinampok ng Viva Films.    

Hindi ito ang unang rekord na naisakatuparan ng INC, ayon kay Zabala. Ang Worldwide Walk for Yolanda ng Iglesia noong Pebrero 2014 ay nagtala rin ng dalawang Guiness World Record para sa “pinakamalaking charity walk sa iisang venue” at bilang pinakamalaking charity walk sa loob ng 24 oras.   

Pinasinayaan din noong nakaraang buwan ang isang moderno at “self-sustaining” na pamayanang may lawak na 100 ektarya sa Paracale, Camarines Norte upang bigyan ng tuloy-tuloy na kabuhayan ang mga pamilya ng katutubong Kabihug sa nasabing lalawigan.   

Ito ang pangsampung “eco-farming community” na pinasinayaan ng INC sumunod sa 3,000 ektaryang “EVM Self-Sustainable Eco-farming Community” sa Alangalang, Leyte ngayong 2015. Ang proyektong nabanggit ay isinakatuparan upang tulungan ang mga residente na lubhang napinsala ng bagyong Yolanda, na humagupit sa kalakhang-rehiyon ng Visayas noong Nobyembre 2013.           

Nakakalat sa maraming pamayanan sa Luzon, Visayas at Mindanao ang mga katulad na pook-pangkabuhayan ng INC. Pinakauna ang nasa Palayan, Nueva Ecija na itinatag para sa mga magsasaka sa Hacienda Luisita. 

Inihayag din ni Zabala na ang Iglesia ay handang magbigay ng tulong taon-taon sa mga biktima ng bagyo at iba pang kalamidad ano mang oras at pagkakataon.  

“Umaabot maging sa Estados Unidos ang aming ‘disaster relief efforts’ gaya nang iniabot naming tulong para sa mga nasalanta ng Hurricane Katrina noong 2005 at noong 2012 matapos ang Hurricane Sandy. Ang mga gawaing ito ay isinakatuparan sa pamamagitan ng Felix Y. Manalo Foundation, at lubos naming ikinasisiya ang mga mobilisasyon at relief effort na ito,” ayon sa tagapagsalita ng Iglesia.              

Ayon kay Zabala, ang INC ay “naging isang ‘international church’ taglay ang tibay ng Filipino sa pagkakakilanlan at simulain nito.”            

“Nakaugat sa bawat Kapatid saan man sa mundo ang aming katatagan, at ang aming pinag-isang pananalig ang nagbubunsod upang tumulong sa lahat – Kapatid man o hindi – sa mga panahong tinatawag ang Iglesia sa layunin ng paglilingkod.”

About Hataw News Team

Check Also

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …

COMELEC Vote Election

Erice naghain ng supplemental Motion para tuluyang ibasura kontrata ng Comelec–MIRU

NAGHAIN ng supplemental motion sa Korte Suprema si dating Caloocan City congressman Egay Erice para …

Principal

PH public schools kapos sa principal

BINIGYANG-DIIN ni Senador Win Gatchalian ang kahalagahang mapunan ang pagkukulang ng mga punong-guro sa mga …

AMLC

Bigtime money launderer dapat arestohin ng AMLC

UMAPELA si Senate Minority Floor Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na palakasin ng Anti-Money Laundering …

Scam fraud Money

Nagpanggap na kaniyang pamangkin, Babae sa Tarlac tiklo sa online love scam

NADAKIP ng mga awtoridad ang isang babaeng kinilalang si alyas “Tita” matapos magpanggap na kaniyang …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *