DQ case ni Poe dedesisyonan na
Hataw News Team
December 7, 2015
News
INIHAYAG ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista kahapon, maaaring magpalabas na ang First Division ng resolusyon sa tatlong iba pang nakabinbing disqualification cases na inihain laban kay Sen. Grace Poe.
“Meron pang tatlong kasong nakabinbin sa aming First Division naman na submitted for decision as of last Thursday (December 3), and sa aking palagay ay siguro magbababa na rin ng desisyon ang First Division sa mga susunod na araw,” pahayag ni Bautista.
Ang nabanggit na tatlong kaso ay inihain nina dating senador Francisco “Kit” Tatad, De La Salle University professor Antonio Contreras at University of the East Law dean Amado Valdez.
Nauna rito, pinaboran ng Second Division ang petisyon na inihain ng abogadong si Estrella Elamparo, na humihiling sa kanselasyon ng certificate of candicacy sa pagkapangulo ni Poe.
Ang lahat ng mga miyembro ng Second Division na sina Commissioners Al Parreño, Arthur Lim at Sheriff Abas ang bomoto pabor sa petisyon ni Elamparo.
Ang First Division ay mayroon ding tatlong miyembro, sila ay sina Commissioners Christian Robert Lim, Ma. Rowena Amelia Guanzon at Luie Tito Guia.
Ang desisyon ng dalawang dibisyon ay maaaring ipetisyon sa Comelec en banc, na ang mga miyembro ay anim na komisyoner at si Bautista.
Ayon kay Bautista, maaaring matukoy na ng publiko ang magiging desisyon ng en banc sa disqualification cases laban kay Poe, kapag nakapagdesisyon na ang First Division kaugnay sa tatlong nakabinbing petisyon.
“Kasi mabibilang mo na eh. Alam mo na ang decision ng Second Division, malalaman mo na ang decision ng First Division. O, di malamaman mo na kung ano ang en banc mainly,” paliwanag ng Comelec chief.