Pemberton hoyo sa Camp Aguinaldo
Hataw News Team
December 3, 2015
News
PANSAMANTALANG ikinulong si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton sa Camp Aguinaldo makaraang mahatulang guilty sa pagpatay sa transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude.
Unang iniutos ng Olongapo Regional Trial Court na dalhin si Pemberton sa New Bilibid Prison, ngunit binawi ito ng korte at sinabing sa Camp Aguinaldo siya ikukulong hanggang may mapagkasunduan ang Filipinas at Amerika kung saan talaga mapipiit ang sundalo.
Dakong 9:30 p.m. nitong Martes nang dumating ang convoy ni Pemberton sa Camp Aguinaldo.
Ayon kay Bureau of Corrections Director Rainier Cruz, posibleng doon na tuluyang makulong si Pemberton.
Paliwanag niya, sakop ng probisyon ng Visiting Forces Agreement (VFA) si Pemberton at may una nang kasunduan na sa mutually agreed facility, gaya ng Camp Aguinaldo, dadalhin ang mga makakasuhang sundalong Amerikano.
Dagdag ni Cruz, may memorandum of agreement na ang BuCor at Armed Forces of the Philippines na gagamitin bilang extension facility ng New Bilibid Prison ang piitan sa loob ng Kampo.
US susunod sa probisyon ng DFA
NANINDIGAN ang Estados Unidos na susundin rin nila kung ano ang nakasaad sa ilalim ng Visiting Forces Agreement (VFA) kaugnay sa naging hatol kay US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.
Ito’y batay sa official statement na inilabas ng US Embassy kaugnay sa verdict sa kaso ni Pemberton.
Ngunit naninindigan ang Estados Unidos na dapat ‘mutually agreed’ ang lugar kung saan ikukulong si Pemberton.
Kamakalawa, nagbaba ng hatol ang Olongapo Regional Trial Court Branch 74 hinggil sa kaso ng akusadong US Marine.
Hinatulang guilty sa kasong homicide si Pemberton ng hukuman hinggil sa pagpatay sa Filipino transgender na si Jeffrey Laude a.k.a. Jennifer.
Pemberton sa Aguinaldo idinepensa ng DFA
IDINEPENSA ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagkulong kay US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton sa AFP Custodial Center kahit may mga nagsasabing dapat dalhin na sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa City.
Ayon kay DFA spokesman Charles Jose, sinunod lamang ng Filipinas ang isinasaad ng Visiting Forces Agreement (VFA) na kapwa nilagdaan ng Filipinas at ng Estados Unidos.
Batay sa VFA, dapat sang-ayonan ng dalawang bansa ang ilalaang detention facility para sa mga US personnnel na mapapatunayang nagkasala sa Filipinas.