Kung meron inyo na — INC (Sa offshore accounts sa Cayman Islands at Switzerland)
Hataw News Team
December 3, 2015
News
PINASINUNGALINGAN kahapon ng tagapagsalita ng Iglesia ni Cristo (INC) na si Edwil Zabala ang bagong mga paratang mula sa mga itiniwalag na mga ministrong sina Isaias Samson, Jr., at Vincent Florida na ilang pinuno ng Iglesia umano ay nagmamantina ng mga personal at hindi awtorisadong accounts sa banko sa Switzerland o sa Cayman Islands, maging ang mga paratang na ang pamunuan nito ay nangu-ngupit ng pera mula sa koleksiyon ng mga kapilya sa America.
“May pinagtatalimaan kaming mga alituntunin hinggil sa mga abuloy ng mga kapatid. Napakahigpit din ng aming mga kaparaanan sa auditing na ang paglabag isa man ay mangangahulugan ng pagkakatanggal ng tax-exempt status na iginawad sa Iglesia ng gobyerno ng Estados Unidos,” ayon kay Zabala.
Hinamon din ni Zabala si Samson at Florida na patunayan ang alegasyon hinggil sa “offshore accounts” sa Cayman Islands at sa Switzerland kasabay ng pahayag na kung mapapatotohanan ang kanilang mga sinabi, mapapasakanila ang laman ng nasabing ‘accounts.’
“Handa kaming pumirma ng waiver. Kung mapapatunayan nila ang kanilang mga paratang, kanila na ang perang nandoon.”
Inakusahan kamakailan ng dating ministrong si Samson, nagsampa ng reklamong illegal detention na nauna nang ibinasura ng Department of Justice (DOJ), ng iregularidad sa pangangasiwa ng pondo ang ilan sa mga namumuno sa Iglesia.
Ang Amerikanong si Florida, na dating ministro ng INC sa lokal ng Northern Virginia ay nagsabing isinumbong na ang INC at ang pamunuan nito sa United States Internal Revenue Service (IRS) dahil sa ‘tax fraud.’
Pinabulaanan naman ito ni IRS Special Agent Arlette Lee sa isang panayam at nagpahayag na walang kasong nakasampa laban kay INC Executive Minister Eduardo Manalo o kay INC Auditor Glicerio Santos, Jr., sa alinmang US Federal Court.
Ayon kay Zabala, hindi maaatim ng INC na manahimik na lamang sa gitna ng paulit-ulit na mapanirang mga pahayag ni Samson at ni Florida na itiniwalag na ng Iglesia noon pang Hulyo.
“Labis naming ikinalulungkot ang mga paratang ni Ginoong Samson at ni Ginoong Florida. Pinili na sana naming magtimpi sa kabila ng kanilang mga walang basehang alegasyon dahil ayaw na naming bigyang-pansin ang panibagong pagtatangkang isuong ang Iglesia sa paglilitis sa media. Ngunit tinatanaw naming karapatan ng mga Kapatid at ng publiko na malaman ang agarang tugon sa mga di-kapanipaniwalang paratang tulad ng kanilang huling ibinabato,” dagdag ni Zabala.
Katulad ng ginawa nila noong kasagsagan ng huling isyu laban sa kanila, sinabi ni Zabala na patuloy nilang “ipapanalangin na kasihan ng kaliwanagan ang lahat ng nagtatangkang paghariin ang pagkakawatak-watak sa loob Iglesia.”
Humiling din ng “pang-unawa” sa publiko at umapela na tigilan na ang mga espekulasyon “na wala namang silbi kundi lalo lamang panggalitin ang higit pang poot at diskriminasyon laban sa mga kapatid.”
Dagdag niya, nananatiling matatag ang paniniwala ng pamunuan ng Iglesia na sa dulo ng lahat, katotohanan ang iiral.
“Gaya ng pagkakatimbang at pagpasya ng pamahalaan na naunang nagsabing walang basehan ang mga alegasyon ni Ginoong Samson, patuloy kaming nananalig na pagdadalisayin ang pagkatao ng aming pamunuan sa muling pananaig ang katotohanan.”