Friday , November 15 2024

Ayaw nila akong makatakbo sa 2016 — Poe (Laban dadalhin sa SC)

INAASAHAN na ni Sen. Grace Poe na maaari si-yang matalo sa kanyang kaso sa Second Division ng Commission on Elections (Comelec) dahil sa iisang dahilan: may mga ‘kumikilos’ para matanggal siya sa karera sa pagka-pangulo sa Halalang 2016.

“Siyempre ako ay nalulungkot at desmayado rito, subalit ito kasi inasahan na namin dahil sa mga ipinagkikilos rin ng mga nasa paligid namin,” ayon sa senadora. “Nakikita rin na talagang ito’y inaayos na para mangyari itong naging desisyon na ito.”

Sinabi ito ni Poe sa kailang pahayag na ipinadala sa media.

Aniya, hindi pa tapos ang laban at iaakyat nila ang kaso sa Korte Suprema, ang pinakamataas na hukuman sa bansa.

“Gusto ko pong sabihin sa ating mga kababayan, gaya nga ng sinabi ng tatay ko, hindi pa tapos ang laban. Ito po ay tuloy-tuloy pa,” aniya, pagbanggit sa naging panalo niya sa Senate Electoral Tribunal (SET) hinggil sa isyu ng kanyang kwalipikasyon bilang senador ng bansa.

“Patuloy lang po nating susundin ang proseso. Sabi nga natin, ito’y parang isang boksing, pangalawang round pa lang. Nagwagi na tayo sa SET; sa Comelec maaaring hindi tayo magwagi pero nandiyan pa rin ang Korte Suprema,” dagdag ni Poe. “Basta ang mahalaga, ito’y ginagawa ko sapagkat ayokong may maiiwan sa ating mga kababayan.”

Si Poe ang nangungunang kandidato sa pagka-presidente ng bansa sa 2016 at kasama sa kanyang plataporma de gobyerno ang “genuine inclusive growth, an open and accountable government, and global competitiveness.”

Siya rin ang naunang naglatag ng kanyang 20-puntong agenda para sa Filipinas, nang magpasya siyang tumakbo sa pagkapangulo noong Setyembre.

Samantala, sinabi ng senadora na alam niya ang kahaharapin niyang labang legal mula pa noong nagdeklara siya ng kagustuhang tumakbo sa pagka-pangulo dahil maraming takot na siya ang maluklok sa Malacañang.

“Nakikita ko naman na gusto talaga nilang alisin ang pinakamalaking banta sa kanila. Siyempre kung ako ay maaalis nila dito sa pagtakbo, e ‘di libreng-libre na sila,” aniya. “Pero alam niyo po ang pagtakbo bilang pangulo o ang pagiging pangulo ay hindi dahil sabik na sabik ka na magkaroon ng kapangyarihan. Ito’y para manilbihan ka.”

Sa botong 3-0, idineklarang hindi kwalipikado si Poe na kumandidato sa pagka-pangulo dahil kulang ang panahon na inilagi niya sa bansa. Ayon pa sa naturang desisyon, ‘tahasang dinaya’ umano ni Poe ang Comelec nang sabihin niya sa kanyang Certificate of Candidacy na naninirahan na siya sa bansa ng mahigit 10 taon.

“Alam niyo po expected ko na po talaga na kahit sa Comelec ay hindi talaga nila palulusutin ito. Marahil dito sa susunod na division at saka sa en banc pa. Kasi sabi ko nga, ang laban talaga nito ay sa Korte Suprema,” sabi ni Poe.

“Hinihiling ko po ang inyong panalangin at ang inyong kompiyansa na ‘wag po tayong bibitiw dito po sa ating adbokasiya na maayos natin ang ating bansa,” aniya.

About Hataw News Team

Check Also

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …

Scam fraud Money

Nagpanggap na kaniyang pamangkin, Babae sa Tarlac tiklo sa online love scam

NADAKIP ng mga awtoridad ang isang babaeng kinilalang si alyas “Tita” matapos magpanggap na kaniyang …

Dead Rape

Paglipas ng tatlong lingo
DALAGANG NAWALA SA KASAGSAGAN NG BAGYONG KRISTINE NATAGPUANG BANGKAY

NATAGPUAN ang katawan ng isang 18-anyos estudyante na napabalitang nawala sa kasagsagan ng pananalasa ng …

Sa Gintong Kabataan Awards NATATANGING KABATAANG BULAKENYO PARARANGALAN

Sa Gintong Kabataan Awards
NATATANGING KABATAANG BULAKENYO PARARANGALAN

NAKATAKDANG maganap ang pinakahihintay na Araw ng Parangal ng taunang Gintong Kabataan Awards (GKA) ng …

Motorcycle Hand

3 motorsiklo bigong masikwat, armadong kawatan timbog

ARESTADO ang isang lalaking pinaniniwalaang responsable sa sunod-sunod na pagnanakaw ng motorsiklo matapos muling magtangkang …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *