Si Mayor Digong Duterte nag-‘do dirty in public’
Jerry Yap
December 2, 2015
Opinion
DEFENSE mechanism.
Mukhang ‘yan ang malinaw na lumutang sa mga ipinakita ni Davao Mayor Rodrigo Duterte sa publiko sa proklamasyon sa kanya sa Century Park Hotel at ang paghalik, pagyakap at pagpapaupo sa kanyang kandungan ng dalawang babae sa McKinley West Open Field sa Taguig City.
Sa Century Park Hotel, minura niya ang Santo Papa pero itinanggi niya ito kinabukasan sa isang radio interview sa Makati City.
Habang sa McKinley naman ay pinaupo niya sa kanyang kandungan ang dalawang babae.
Nagkuwento pa siya kung paano umano siya pumatay ng holdaper noong bagong mayor pa lang siya sa Davao.
(‘Yan ba ang kanyang plataporma de gobierno?)
Ginagawa niya raw ito, dahil alam niyang gagamitin ng mga kalaban niya ang nasabing mga isyu laban sa kanyang kandidatura.
Sabay hamon na kung ayaw daw ng publiko ang kanyang style, ang solusyon lang diyan huwag siyang iboto.
Sabi nga ng mga Katolikong nabuwisit sa ginawa niyang pagmumura sa Santo Papa, mabuti naman at siya mismo ang nagsabi niyan na huwag siyang iboto.
Hehehe…
Pansin lang natin mukhang may isyu sa kanyang ‘anger management’ si Duterte.
Ano naman ang kinalaman ng Santo Papa sa traffic?!
‘Yung sa Santo Papa, walang nagalit kahit may isinarang kalsada. Dahil ‘yung mga kalsadang isinara naging daanan ‘yun ng mga taong gustong mag-abang sa kanya para Makita ang Holy See.
Sana sa APEC ka na lang nagalit Digong, kasi ‘yung APEC perhuwisyo talaga. Sa mga nagtatrabaho, sa estudyante, lalo sa mga nagtitipid ng oras at pasahe.
Huwag po si Santo Papa. Dahil si Santo Papa sa pananampalatayang Katoliko ay SUGO ng Diyos.
Tapos mumurahin mo?!
Ay yawa ka gyud uy!
Hayan, mismong ang mga TAO ang nagtanggol sa Santo Papa at nagsalita na rin si Archbishop Socrates B. Villegas:
“When we find vulgarity funny, we have really become beastly and barbaric as a people. When a revered and loved and admired man like Pope Francis is cursed by a political candidate and the audience laugh, I can only bow my head and grieve in great shame.”
Klaro po Digong! Barbaro lang daw ang natutuwa sa ganyang mga gawi at aksiyon.
Mukhang walang nagpapayo nang tama kay Digong. Alam n’yo naman sa Maynila, sibilisado ang mga tao rito ayaw natin ng violence o ‘digmaan.’
Palagay natin ‘e kailangang kumuha ng image consultant ni Digong at ng mga adviser na tuturuan siya kung ano ang tama at mali.
Hindi ito usapin ng hipokrisiya. Ang pinag-uusapan dito, kung hinahangad ng isang politiko na maging pinakamataas na lider ng bansa, HUWAG BASTOS!
Huwag bastusin ang pananampalataya nino man at lalong huwag babuyin ang kababaihan.
Nakakompromisong Katarungan
GANITO natin gustong tawagin ang lumabas na hatol ng Olongapo City Regional Trial Court kay Lance Cpl. Joseph Scott Pemberton.
Guilty sa kasong homicide si Pemberton, bagama’t tinanggap ito ng mga kaanak ng biktima, mayroon naman silang reserbasyon kung bakit homicide lang ang kaso.
Ang rason, ang ikinamatay raw ng biktimang si Jennifer Laude ay asphyxia kaya hindi pwedeng ‘murder’ ang isampang kaso laban kay Pemberton.
‘Yan siguro ang immediate cause. E ano ang antecedent cause of death? Hindi ba’t inilalagay ‘yun sa death certificate?
Anila, naniniwala silang ginamit na naman umano sa nasabing kaso ang Visiting Forcer Agreement (VFA).
Ididiretso si Pemberton sa National Bilibid Prison, hindi sa US Embassy, hindi sa JUSMAG o saan mang American facility, pero ito ay pansamantala lamang.
Bakit naman pansamantala lang?!
Tapusin na lang sa Bilibid ni Pemberton ang sentensiya sa kanyang anim (6) hanggang 12 taon kulong.
‘Yan ha, anim hanggang 12 taon lang.
Kumbaga, adding insult to injury pa ‘yan kung tatanggalin nila sa Bilibid si Pemberton para ibalik sa US base sa VFA.
Huwag n’yo namang hayaan na maniwala kaming ang sentensiya kay Pemberton ay isang nakakompromisong katarungan.
ASBU kolek-tong sa Maynila
SIR Jerry kulang pa po ang info ng kolek-tong ng ASBU sa mga pampasaherong sasakyan sa Maynila. Ang biyaheng MCU-DIVISORIA, MUÑOZ, BACLARAN ay nagbibigay po ng P5k-8k weekly na ang kumokolekta po ay si ROWEL para kay KAGAWAD TA-WEE. Kapag ang isang pampasaherong sasakyan na walang tara sa kanila ay kanila pong pinopostehan at babaklasan ng plaka. Kasunod ang pagtara sa kanila. Sana malamn ni Mayor Erap ang masamang gawain nila. +63919440 – – – –
Berting VK personnel, locator din sa droga!
SIR JERRY nais ko lamang ipaalam sa inyo na ang ilang tauhan ng ERAP orange VK ni BERTING ay dikit din sa DROGA. Kalakaran ng bentahan habang nagpaparami ng suking manlalaro. Pakitago n’yo sir ang aking numero upang hindi mpag-initan ng mga kapwa pulis.
+63920852 – – – –
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com