Sanggol patay sa malupit na ama (Ibinitin nang patiwarik, sinampal, sinuntok)
Almar Danguilan
December 2, 2015
News
PATAY ang isang isang-taon-gulang lalaking sanggol makaraang walang-awang ibitin nang patiwarik, pinagsasampal at pinagsusuntok ng sariling ama sa Quezon City.
Sa ulat kay Chief Supt. Edgardo G. Tinio, Quezon City Police District (QCPD) director, ng Criminal Investigation Detection Unit (CIDU), naaresto si Nazarenio Mendiola, 38, tubong Pangasinan, at naninirahan sa Sto. Domingo St., Brgy. Holy Spirit, Quezon City, suspek sa pagpatay sa kanyang anak na si Tylor Jerick Mendiola.
Sa imbestigasyon ni PO3 Roldan Cornejo, ng CIDU, base sa salaysay ni Loraine, 28, ina ng sanggol, napansin niyang wala nang buhay ang kanilang anak dakong 4:15 a.m. nitong Linggo, makaraang ibitin nang patiwarik at walang awang pinagsasampal at pinasusuntok ng kanyang mister dahil hindi tumitigil sa pag-iyak ang sanggol.
Bagama’t umiiyak at sumisigaw sa pagmamakaawa si Loraine sa asawa para tigilan ang pambubugbog sa anak ay lalo pang nagalit ang suspek at maging ang misis ay pinagbalingang bugbugin.
“Awang-awa ako sa aking anak dahil binitin siya nang patiwarik ng asawa ko at walang-awang pinagsasampal at pinagsusuntok sa mukha at ulo, kaya pinigilan ko siya pero galit na galit at pinagsusuntok din ako,” naiiyak na pahayag ni Loraine kay PO3 Cornejo.
Makaraan ang pananakit, umalis ang suspek kaya nagkaroon ng pagkakataon si Loraine na humingi ng tulong sa kapitbahay at agad isinugod sa Bautista Clinic ang anak ngunit ipinalipat sa East Avenue Medical Center ngunit dineklarang dead on arrival.
Aminado si Loraine na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot ang suspek at madalas din saktan ng suspek ang iba pa nilang anak.
Sa panig ng supek, itinanggi niya ang paratang at sinabing wala siyang matandaan na ginawa niya sa kanyang anak.