Sunday , May 19 2024
Money Bagman

Pautang ng mga banko sa maliliit na kompanya dapat segurado – Jinggoy

ISINUSULONG ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang pagsasabatas ng paglalaan ng mga banko ng 10% ng kanilang loan portfolio para sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) para makatulong na mapanatili ang operasyon ng maliliit na negosyo sa bansa.

Sa kanyang isinumiteng Senate Bill No. 2632, nais ni Estrada na atasan ang lahat ng lending institutions na maglaan ng hindi bababa sa 10% ng kanilang kabuuang loan portfolio para sa MSMEs. Maituturing lamang ang pagtalima sa kautusang ito kung ang mga pautang ay talagang naibigay sa mga kalipikadong kompanya.

Aniya, ang hakbang na ito ay magsisiguro ng access para sa MSMEs sa kinakailangan nilang financial support, na pinakamalaking balakid sa pagpapalago ng kanilang negosyo.

Sa ilalim ng probisyon ng RA 6977 o ang Magna Carta for MSMEs, inaatasan ang mga banko na maglaan ng 8% ng kanilang loan portfolio para sa mga micro and small enterprises at 2% para sa medium enterprises sa loob ng 10 taon. Ang nasabing 10-year mandatory period ay nakasaad sa RA 9501, ang batas na nag-amiyenda sa RA 6977, na ipinatupad noong 23 Mayo 2008.

“Ang pagkakaroon ng access sa mga pautang ang madalas na problemang hinaharap ng mga MSME kaya’t nahihirapan silang mapanatili at mapalago ang kanilang mga negosyo. Noong Disyembre 2023, ang pagsunod sa itinakdang alokasyon ng loan portfolio para sa micro and small enterprises ay umabot lamang sa P200.7 bilyon o 1.93%. Samantalang ang sa medium enterprises naman ay nasa P301.4 bilyon o 2.9% lang,” sabi ni Estrada.

Sa discussion paper ng University of the Philippines Center for Integrative and Development Studies, natalakay dito ang iba’t ibang paraan ng pag-iwas ng mga banko sa pagsunod sa itinakdang porsiyento ng dapat na pautang para sa mga MSMEs. Napag-alaman na karamihan ng pondo para sa SMEs ay napupunta sa malalaking kompanya na nagpapanggap na medium-sized. May iba naman idinideposito ang kinakailangang halaga sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) imbes magpautang sa SMEs at pinipiling magbayad na lang ng multa. At may iba na pinipiling mag-invest sa preferred stocks na inisyu ng Small Business Corp. (SBC) bilang alternatibong paraan para suportahan ang MSMEs.

“Ang mga MSMEs ay bumubuo ng 99.59 percent ng mahigit isang milyong negosyo sa bansa. Sila ang bumubuhay ng ekonomiya natin at nagbibigay ng trabaho sa 65.1% kabuuang bilang ng mga manggagawa natin. Nararapat lamang na mabigyan sila ng sapat na suporta sa ilalim ng mga umiiral nating mga batas upang lumago at dumami pa sila. Kung madaragdagan ang bilang ng mga namumuhunan at nagnenegosyo nating mga kababayan, tataas din ang bilang ng mga may trabahong Filipino,” sabi ni Estrada. (NIÑO ACLAN)

About Niño Aclan

Check Also

DANIEL FERNANDO Bulacan

 Fernando determinadong tuparin ang pangako sa bawas trapiko at ligtas na komunidad

Determinado si Gobernador Daniel R. Fernando na tuparin ang kanyang pangako na bawasan ang trapiko …

4 drug trader tiklo sa Bataan buybust

4 drug trader tiklo sa Bataan buybust

NASAKOTE ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Bataan Provincial Office ang isang …

Kolektor ng pautang hinoldap sa palengke, binoga ng riding-in-tandem

Kolektor ng pautang hinoldap sa palengke, binoga ng riding-in-tandem

DEAD-ON-THE-SPOT ang isang ginang na sakay ng tricycle matapos holdapin at barilin ng mga lalaking …

dead gun police

Ikinumpisal bago nalagutan ng hininga
MAGKAIBIGAN ITINUMBA NG 4 KAALITAN

BINAWIAN ng buhay ang dalawang lalaki matapos pagbabarilin ng apat na pinaniniwalaang kanilang mga kaalitan …

051724 Hataw Frontpage

Tutol sa adelantadong renewal ng prangkisa
SOLON NAGBABALA MERALCO MATUTULAD SA SMNI NI QUIBOLOY

MULING nadagdagan ang tumututol sa ‘adelantadong’ renewal ng prangkisa ng distribution utility na Manila Electric …