GANITO natin gustong tawagin ang lumabas na hatol ng Olongapo City Regional Trial Court kay Lance Cpl. Joseph Scott Pemberton.
Guilty sa kasong homicide si Pemberton, bagama’t tinanggap ito ng mga kaanak ng biktima, mayroon naman silang reserbasyon kung bakit homicide lang ang kaso.
Ang rason, ang ikinamatay raw ng biktimang si Jennifer Laude ay asphyxia kaya hindi pwedeng ‘murder’ ang isampang kaso laban kay Pemberton.
‘Yan siguro ang immediate cause. E ano ang antecedent cause of death? Hindi ba’t inilalagay ‘yun sa death certificate?
Anila, naniniwala silang ginamit na naman umano sa nasabing kaso ang Visiting Forcer Agreement (VFA).
Ididiretso si Pemberton sa National Bilibid Prison, hindi sa US Embassy, hindi sa JUSMAG o saan mang American facility, pero ito ay pansamantala lamang.
Bakit naman pansamantala lang?!
Tapusin na lang sa Bilibid ni Pemberton ang sentensiya sa kanyang anim (6) hanggang 12 taon kulong.
‘Yan ha, anim hanggang 12 taon lang.
Kumbaga, adding insult to injury pa ‘yan kung tatanggalin nila sa Bilibid si Pemberton para ibalik sa US base sa VFA.
Huwag n’yo namang hayaan na maniwala kaming ang sentensiya kay Pemberton ay isang nakakompromisong katarungan.