INC pinasalamatan ng Bicol IP Community (Tukod-kabuhayan sa ‘bagong eco-communities’)
Hataw News Team
December 1, 2015
News
PINANGUNAHAN ni Iglesia Ni Cristo (INC) Executive Minister Eduardo V. Manalo nitong Nobyembre 8 ang pagpapasinaya sa tinaguriang “self-sustaining eco-farming community” na nasa isang 100-ektaryang lupain na idinibelop sa pamamagitan ng Felix Y. Manalo Foundation, bilang ayuda sa mga kasapi ng tribong Kabihug, isang katutubong komunidad sa Barangay Bakal, Paracale, Camarines Norte.
Ang bagong pamayanan sa Paracale, na kinapapalooban ng 300 tahanan, isang garment factory, pasilidad na patuyuan ng daing, isang paaralan at kapilya, ay ikasampung ‘eco-farming community’ na itinatag ng INC sa maraming iba pang komunidad sa Luzon, Visayas at Minda-nao.
Ayon kay INC General Auditor Glicerio Santos, “noon pa man, katuwang na ang INC ng pamahalaan sa pagpapaabot sa ating mga kababayan, kapatid man o hindi namin kaanib, ng tulong sa kanilang pagpupunyagi laban sa kahirapan upang tuluyan nang mamuhay nang marangal. Ang layuning ito ay batay sa mapanatang pagtalima sa malalimang pagkakaugnay sa espiritwal sa pamumuhay na may dangal.”
Ang binhi ng ideyang ito sa paglikha ng kabuhayan at tulong-pinansiyal ay naisakatuparan noong 1965 sa Palayan City, Nueva Ecija sa ilalim ng ministro at noon ay Punong Tagapangasiwa ng Iglesia na si Eraño G. Manalo. Ang pangunahing layon noon ay bigyan ng tulong ang mga manggagawang-bukid sa Hacienda Luisita.
“Ang mensahe ng Iglesia, noon pa man, maging kasangkapan ng Diyos sa pagpapaabot ng tulong sa mga nagdarahop at nangangailangan. Sa atas-espiritwal na ito kami tumatalima mula nang mapasimulan ang mga ‘sustainable’ na proyektong pangkabuhayan sa loob ng ‘self-sustaining’ na komunidad, apat na dekada na ang nakaraan,” paliwanag ni Santos.
Noong 1992, bilang tugon sa “impit na panaghoy” ng mga katutubong Aeta na “itinaboy ng kalikasan” sa pagputok ng Mt. Pinatubo, itinatag ng INC ang Barangay Bagong Buhay site upang tulungang makabangon ang mga pamayanan sa paanan ng bulkan at maging ang mga nasa kalapit-bayan.
“Sa aming maliit na nakakayanan, at ilang taon na rin namin malugod na ginagawa ito, aming tinutugunan ang pangangailangan ng ating mga kapatid na Lumad at iba pang grupo sa sektor ng mga katutubo. Ipagpapatuloy namin ang pagtahak sa mga hakbanging ito bilang isang Iglesia, bilang bahagi ng komunidad, at bilang responsableng Filipino,” diin ni Santos.
Pinasalamatan ang mga inisyatibong ito ng INC ni Evelyn Jacob, ang Regional Director ng National Commission of Indigenous Peoples (NCIP) sa Bicol.
“Taos-pusong nagpapasalamat kami sa Iglesia Ni Cristo dahil sa kanilang hindi-matawarang pagtulong sa mga Kabihug na nasa ‘resettlement’ at sa kasabay na suportang pangkabuhayan na ibinigay nila,” ayon kay Jacob.
“Dahil lahat ito ay isinasagawa sa Paracale kaakibat ng espiritwal na pangangaral at moral na paggabay, lahat dito – maging kaming nasa pamahalaan – ay nagpapasalamat sa kanilang kabutihang-loob,” dagdag ng NCIP Director sa Bicol Region.