AMINADO si Defense Secretary Voltaire Gazmin na malabong mai-deliver sa bansa ang dalawang US military ships na ipinangako ni US President Barrack Obama.
Ito ay dahil sa napakahabang proseso.
Sinabi ni Gazmin, ang actual transfer ng isang Maritime research vessel at isang cutter na ido-donate ng US government ay aabot nang higit isang taon.
Sa Hunyo 30, isasalin na ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang kanyang puwesto sa susunod na pangulo ng bansa.
Kaugnay nito, lubos ang pasasalamat ni Gazmin kay Obama sa donasyong dalawang US military ship na malaki ang maitutulong sa Philippine Navy.
Bahagi ng pangako ni US President Obama, mapapasakamay ng AFP ang Coast Guard cutter “Boutwell” at ang research ship na R/V Melville.
US nais magpatrolya sa WPS
WASHINGTON – Kinompirma ng isang US Navy official na plano nilang magsagawa muli ng pagpapatrolya sa bahagi ng West Philippine Sea malapit sa lugar na matatagpuan ang artificial islands na ginawa ng China.
Target ng US Navy na gawin ang nasabing patrolya bago magtapos ang kasalukuyang taon.
Noong nakaraang buwan, lumayag sa bahagi ng West Philippine Sea malapit sa man-made island na ginawa ng Beijing, ang USS Lassen, isang guided missile destroyer upang patunayan kung umiiral pa rin ang ‘freedom of navigation’ sa lugar na inalmahan ng China.
Ayon sa isang US Navy official, ang susunod na patrolya sa bahagi ng Spratly Islands ay posibleng mangyari sa Disyembre.
Una rito, dalawang US B-52 bombers ang lumipad malapit sa artificial Chinese islands noong nakaraang linggo bilang ‘advance’ sa pagdating ni US President Barrack Obama sa bansa para sa Asia-Pacific Economic Cooperation Summit.
Phil-Jap Defense Equipment Deal under nego pa
‘UNDER negotitiation’ hanggang sa ngayon ang kasunduan ng Filipinas at Japan kaugnay sa pagsu-supply nito ng military equipments.
Ayon kay Yasuhisa Kawamura, Japanese Press Secretary at spokesman ni Prime Minister Shinzo Abe, nakapaloob din sa nasabing kasunduan ang ‘transfer of technology.’
Sinabi ni Kawamura, basic requirment ang nasabing agreement.
Sa kabilang dako, ayon kay Japan Deputy Press Secretary Koichi Mizushima, kailangan ng Japan ng legal arrangement sa Filipinas bago makapag-export ang Tokyo ng defense equipments sa Maynila.
Giit ni Mizushima, ang Japanese government ay mayroong estriktong rules na sinusunod lalo na sa pag-export ng mga defense equipment kasama na rito ang pag-share ng technologies sa ibang bansa.
Nilinaw ni Mizushima, ang Japan’s Official Development Assistance ay ginagamit sa pag-finance ng mga infrastructure projects ngunit hindi sa defense-related projects.
Panawagan ng Palasyo: Publiko tumulong kontra terorismo
NANAWAGAN ang Palasyo sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad at maging mapagmasid upang maging matagumpay ang kampanya kontra-terorismo.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, mahalaga na pakinggan at sundin ng mga mamamayan ang mga babala ng mga awtoridad , lalo na ang pag-iwas sa mga lugar na hindi dapat puntahan.
“Well, in areas where alam po nating may—identified po kung nasaan sila, certainly, we would hope as much as possible iwasan po natin kung hindi naman po tayo… If we’re not supposed to be in that area, then don’t go to those areas. May mga babala rin naman po o may reminders po ang ating law enforcement authorities po tungkol diyan,” aniya.
Hinimok din niya ang mga mamamayan na iulat sa awtoridad ang ano mang bagahe na makikitang nakatiwangwang.
“We also need to be vigilant also; for instance, ‘yung mga… nag-uumpisa po ‘yan, kung hindi natin alam, there are packages which are not ours or which are very suspicious, just report it to the proper authorities,” dagdag niya.
Kamakalawa, binigyang-diin ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagpapaigting ng kampanya kontra terorismo sa idinaraos na ASEAN Summit sa Kuala Lumpur makaraang pugutan ng teroristang grupong Abu Sayyaf Group (ASG) ang bihag na Malaysian.
“The fight against terrorism will continue. The President mentioned that we will be… We will be right there. The incident, the beheading of a Malaysian national is very unfortunate. The President expressed his solidarity with the people of Malaysia and patuloy po rin nating gagawin, whatever happens po, we will continue to fight terrorism in all its forms,” dagdag ni Lacierda.