IPINADAMA ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa APEC leaders kung paano tumanggap ng bisita ang mga Filipino.
Sa kanyang talumpati bago ang welcome dinner kamakalawa ng gabi, binigyang-diin ni Pangulong Aquino ang kahalagahan ng ganitong salo-salo sa mga seryosong okasyon tulad ng APEC.
Pagkakataon aniya ito para buhayin o pasiglahin ang dating pagkakaibigan at makahanap ng bagong kaibigan.
Para sa mga Filipino, hindi aniya isang ordinaryong kainan ang ganitong pagkakataon, dahil kalakip ng pagkain o alok nito ang kultura at katangian ng mga Filipino kaya hindi kailangan na maraming nagsasabing “It’s more fun in the Philippines.”
Sa ganitong kainan na isang masayang okasyon sa Filipinas, napapatatag aniya ang mga relasyon at ugnayan at naisasantabi ang ibang konsiderasyon.
Kaya sa APEC aniya, walang maliit o malaking ekonomiya at lahat ay magkakasalo sa hapag-kainan para sa isang fellowship na isinusulong ang kapakanan ng mamamayan.
Bukod sa masasarap na pagkaing Filipino, pinagsaluhan din ng world leaders ang Filipino performances na tampok ang kultura at kagalingan ng mga Filipino.
“Whether we have large or small economies, all of us sit at the same table and engage in fellowship for the advancement of all our peoples. In this manner, we demonstrate that an inclusive Asia Pacific is doing its part to achieve a more inclusive world,” ani Pangulong Aquino.