APRUB sa panlasa ng international observers ang Barong Tagalog na ipinasuot sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) leaders kamakalawa, sa welcome dinner na ibinigay ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Tuwing APEC ay inaabangan ang pagsusuot ng mga lider ng tradisyonal na kasuotan ng mga host country dahil isa ito sa tinaguriang “worst-dressed parade” at kadalasan ay lumalabas na katawa-tawa ang suot ng economic leaders.
Ngunit batay sa lumabas na puna ng mga kritiko, positibo ang kanilang reaksyon sa Barong Tagalog.
Ayon sa isang international news website, hindi katulad ng mga nagdaang APEC, wala raw batikos sa barong.
Ang Barong Tagalog na isinuot ng APEC leaders ay gawa ng designer na si Paul Cabral.
Piña fabric at silk ang ginamit na materyal para matiyak na komportable ang economic leaders.
Ang bawat barong ay iba-iba ang disenyo, batay sa kultura ng bawat bansa.