WALANG kaba factor si Wenn V. Deramas kung sinasabi ng kampo ni Vic Sotto na sila na ang may hawak ng korona sa box-office sa darating na MMFF this December 2015.
Paliwanag ng all time box-office director, “Kapag nangyari ‘yun, mangyayari. Pero huwag muna nating pangunahan kapag hindi pa nangyayari. Kasi nga noong nangyari ‘yung bakbakan ng ‘My Little Bossings’, ‘yun din naman ang sinabi nila. Hindi naman nila sinabing magna- number 1 ang ‘Girl, Boy, Bakla, Tomboy’. Pero pagdating sa huling laban, sino pa rin ang nag-number 1?,” anang magaling na director.
Bawat pelikulang kalahok sa filmfest ay nangangarap na ang pelikula nila ang mag-top. Para kay Direk Wenn, wini-welcome niya ang lahat sa showbiz, walang ownership.
Masaya ang star maker sa success na tinatamasa nina Alden Richards at Maine Mendoza. “Natutuwa ako sa ikinaaasenso ng AlDub dahil talaga naman ang charming ng babae (Maine) at napakaguwapo ni Alden. Ako mismo crush ko si Alden. Lahat tayo ay may space sa industriyang ito,” aniya.
Tatlong taong magkakasunod nag – number 1 sa takilya ang pelikula nina Direk Wenn at Vice Ganda sa MMFF. Kung sino-sino na nga ang tumapat pero hindi kinaya ang power nila
“Dapat i-welcome ang lahat ng bagay, kompetisyon man o kakampi kasi at the end of the day, kayo-kayo pa rin ang magkakasama.Napakaliit ng mundong ito para sabihin mo na sa ‘yo lang dapat ang mundong ito,” sambit pa ng magaling na director.
ANIK-ANIK – Eddie Littlefield