Duterte suportado si Cayetano
Niño Aclan
November 12, 2015
News
SA KABILA nang wala pang katiyakan kung talagang tatakbo o hindi sa 2016 presidential elections si Davao City Mayor Rodrigo Duterte, kitang-kita ang pagsuporta ng alkalde sa kandidatura ni vice presidential aspirant Senator Alan Peter Cayetano.
Sa kabila na siya lamang ang inimbitahan sa ika-23 Defense and Sporting Arms Shows ay kanyang isinama si Cayetano sa naturang pagdiriwang.
Hindi man nagsalita si Cayetano sa pagdiriwang ay mababatid sa speech ni Duterte na talagang inindorso at kanyang sinusuportahan ang senador sa kandidatura nito.
Biro pa ni Duterte, sakaling manalo si Cayetano ay madali na lamang gawan ng isyu ang mananalong president para mawala sa puwesto o kaya sa pinakamadaling paraan ay mamatay ito.
Aminado si Cayetano na hindi niya kinukulit at patuloy na nililigawan si Duterte sa desisyon niya sa 2016 ngunit aniya ay sapat na silang dalawa ay mayroong patuloy na komunikasyon at nagbibigay ng suportahan sa isa’t isa.
Nilinaw pa ni Cayetano, hindi siya kundi ang mismong taong bayan ang naghihikayat kay Duterte na tumakbo sa 2016.
Ngunit nilinaw ni Duterte, sa kasalukuyan ay mayroon pa lamang sampung porsyento ang kanyang desisyon at ang kanyang pag-iikot iba’t ibang panig ng bansa ay ukol sa isyu at pagtutulak ng federalism na siyang susi sa kaguluhan at sagot sa matagal nang minimithing kapayapaan sa Mindanao.
Samantala, binatikos nina Duterte at Cayetano ang tanggapan ng Department of Justice dahil sa ginawang pagbabalewala sa hirap at pagod at patuloy na nararamdamang kapighatian ng mga naiwan o naulila ng SAF 44.
Ito ay dahil lumapit kina Cayetano at Duterte ang pamilya ng SAF 44 at ipinaalam na hindi man lamang sila naabisuhan ng pamahalaan na hindi tuloy ang pagdinig dahil sa APEC.