UMIWAS si Nora Aunor na mag-react sa sinasabi nilang bagong Nora Aunor si Yaya Dub (Maine Mendoza). Ang tinatamong kasikatan ni Yaya Dub ay inihahalintulad sa tagumpay ng nag-iisang superstar.
Sey ni Ate Guy, ‘yung mga tao na lang daw ang tanungin dahil mahirap daw magsalita kung siya ang kukunan ng reaksiyon tungkol dito.
Pero gusto rin niya itong makilala. Hindi rin daw niya napanood ang panggagaya nina Maine at Alden Richards kina Guy & Pip noong Sabado sa Eat Bulaga.
Inamin din ni Ate Guy na minsan may mga impersonator na kinaiinisan niya. OA naman daw kasi kung gayahin siya. Minsan daw ay mayroon siyang napanood at hindi niya ikinatuwa dahil hindi maganda sa kagaya niyang ginagaya. Hindi raw kasi siya ganoon at nasobrahan siya. Hindi suwabe ang pag-i-impersonate sa kanya.
Samantala, tuwang-tuwa si Ate Guy sa success ng anak-anakan niyang si Alden. Nagkasama sila last year sa isang short film titled Kinabukasan. Wish lang daw niya ay ‘wag magbago si Alden at ikalaki ng ulo ang tinatamasang popularity ngayon. Pero alam naman daw niya na mabait na tao si Alden at hindi mangyayari ‘yun.
TALBOG – Roldan Castro