Sunday , December 22 2024

Diskriminasyon, pang-uusig sa inc nakababahala — Legal Experts (Gobyerno dapat manindigan vs karahasan at pang-aapi)

1110 FRONTDALAWANG prominenteng eksperto sa batas ang nagpahayag ng lubhang pagkabahala sa ‘malawakang pang-uusig’ at ‘pang-aapi’ laban sa Iglesia ni Cristo (INC) na ang pamunuan ay kasalukuyang nahaharap sa mga kasong legal na isinampa ng mga naghihinanakit na dating kasamahan dahil sa alegasyon ng panggigipit.

Sa magkahiwalay na pahayag, kinilala rin ng dalawang batikang abogado ang natatanging pagkakakilanlan ng Iglesia bilang isang Filipinong pananampalataya.

Sa kanyang Facebook, sinabi ni San Juan Representative at House Minority Leader Ronaldo “Ronny” Zamora na ang “tuloy-tuloy na persekusyon sa INC ay pagpapakita lamang ng layunin ng gobyernong sirain ang ano mang institusyong maaaring magsilbing banta sa lumuluwag nitong kapit sa katotohanan at moralidad.”

Ang Minority Leader ng kamara na itinuturing ang sarili bilang isang sarado-katoliko, ang malalim na pananampalataya ng mga miyembro ng Iglesia – bagama’t naiiba sa higit na nakararaming Katoliko, ay dapat na igalang na ang pamahalaan ang pangunahing naninindigan para sa pagpapaubaya o tolerance, imbes pangunahan ang panggigipit sa mga kasapi ng Iglesia.

“Ano man iyong nagawa ng Simbahang Katolika – nang minsan sa EDSA at hindi na naulit pa – na isang pinagkaisang hakbangin ayon sa mga pangaral ni Kristo – ay araw-araw na nangyayari sa INC sa buhay ng mga kapanalig nito at sa papel na ginagampanan ng Iglesia sa politika,” ayon kay Zamora.

“Higit pa sa ibang Kristiyano mula noong mga Puritano, ang mga kapatid ng INC ay mahigpit na namumuhay nang naaayon sa nasusulat,” paliwanag ng mambabatas.

“Kaya nga ang sinasabi nating kalayaan o karapatan sa pananampalatayang panrelihiyon kaugnay sa INC ay tumutuloy mula sa kanilang linggohang pagsamba hanggang sa bawat nilang gawain bilang isang indibidwal o bilang isang samahan at komunidad,” diin ni Zamora.

“Ngunit, sa bawat pagkakataon,” babala ng mambabatas, “sa determinasyon na pilitin ang Iglesia Ni Cristo na magbaba ng kautusan sa mga kapatid na iboto ang nais  ng gobyerno imbes na iba, inuusig ng gobyernong ito ang INC dahil lamang sa alegasyong isang krimeng ginawa o sinubukang gawin. Ang huli kong balita ang isang paratang ay hindi tumatayong katunayan. At ang patuloy at malisyosong pang-uusig ay hindi tanda ng sinseridad dahil isa itong basehan ng legal na aksiyon laban sa pamahalaan.”

Samantala, tinawag namang “nakalulungkot na pangyayari” ni Atty. Harry Roque ang labis na pagkasuklam ng publiko laban sa INC kasabay ng pahayag ng pag-asang hindi aabot ang sentimyentong ito ng mga hindi kabilang sa Iglesia sa “diretsahang pagkapoot o malawakang pagkamuhi at diskriminasyon laban sa isang natatanging samahan na dito nag-umpisang umusbong ngunit ngayon ay may mga kapanalig sa maraming bahagi ng mundo.

“Kinatatakutan o pinangangambahan natin ang mga bagay na hindi natin naiintindihan. Maaari ngang iba ang kaparaanan ng INC sa kanilang pagsamba at pangangasiwa sa mga kapanalig nito. Kailangan lamang nating ibigay sa kanila ang pagpapaubaya at pang-unawa gaya ng paggalang natin sa iba pang mga samahang pangrelihiyon sa bansa,” giit ni Roque.

Nanawagan din si Roque para sa pagrespeto sa karapatan sa kalayaan ng pagsamba o relihiyon na tadhanan ng Konstitusyon.

“Sa mga panahong ito, ang diskriminasyon laban sa relihiyon at malawakang pagkamuhi ay walang puwang sa isang sibilisadong lipunan, lalong-lalo na dito sa atin,” diin ng sikat na abogado.

Si Zamora at si Roque ay nagsipagtapos sa University of the Philippines College of Law. Nanguna si Zamora sa bar examinations noong 1969 at nagtapos ng abogasya bilang valedictorian. Si Roque naman ay dating nagturo ng abogasya bilang kasapi ng UP Law faculty at kilalang eksperto sa criminal law at international law.

Ang pamunuan ng INC ay inakusahan ng mga dating ministrong sina Isaias Samson at Lowell Menorca ng harassment at illegal detention. Magkakahiwalay na kaso laban sa mga kasapi ng Sanggunian ng INC ang nakabinbin ngayon sa Department of Justice at sa Court of Appeals.

About Hataw News Team

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Sa Payatas, QC
P.7-M SHABU NASABAT ‘LADY PUSHER’ TIMBOG

ARESTADO ang 19-anyos babae sa isinagawang buybust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Payatas A, …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *