TUMIGIL na kayo at sa hukuman na lamang ilatag ang inyong kaso.
Ito ang payo ni House Minority Leader at San Juan Rep. Ronaldo “Ronnie” Zamora sa kanyang inakdang artikulo na inilathala sa Facebook post na pinamagatang “Another Crucifixion: In Defense of Religious Freedom.”
Pinangaralan niya ang mga abogado sa kaso ng pamunuan ng Iglesia Ni Cristo (INC) matapos ibandera sa media ang nasabing habla imbes dumulog at makipagkatwiran sa hukuman.
Tanong ni Zamora, “hindi ba nararapat lamang na pansamantalang busalan ng mga abogado ng magkakatunggaling kampo ang kanilang mga sarili at sa korte sila makipagtagisan at sikaping ipanalo ang kanilang mga kaso, alinsunod sa itinuro sa kanila sa abogasya?”
Ang kinatawan ng San Juan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ay nagtapos bilang valedictorian ng kanyang klase sa UP College of Law at nag-top sa bar examinations noong 1969.
Pinangaralan ni Zamora ang mga abogado ng dating ministro ng INC na si Lowell Menorca II matapos gamitin ang media upang ibunyag ang kanilang mga paratang laban sa pamunuan ng INC.
Ayon sa mambabatas, ang ganitong hakbang ay higit na nararapat isagawa sa loob ng mga hukuman.
“HIndi ba dapat lamang na gawin ito sa korte at hindi sa mga pahayagan?” giit ni Zamora kasabay ng paalala na ginagarantiyahan ng batas ang pagkakataong mailahad ang kani-kanilang katwiran ng magkatunggaling panig.
Sa paraang ito, ayon sa kinapipitaganang abogado, gagaan ang trabaho ng mga abogado dahil “maiiwasan na ang makipagbangayan sa media makamit lamang ang paborableng opinyon ng publiko bago pa man maihain ang kanilang mga argumento sa harap ng hukuman.”
Sa pagnanais na tumugon sa mga usaping may kaugnayan sa mga hablang isinampa laban sa pamunuan ng Iglesia, sinagot ng mga abogado ng mga dating ministro ng INC na sina Menorca at Isaias Samson sa internet at social media.
Sa facebook page ni Atty. Trixie Cruz-Angeles na kumakatawan kay Menorca at Samson sa Court of Appeals at sa mga hablang nasa DOJ, isinulat niya ang mga katagang “tiyakin mo naman paminsan-minsan ang iyong mga katunayan. Subukan mo ring alamin kung kelan ako at si Ahmed naging government consultants at sino ang nagtalaga sa amin.”
Ang tinutukoy ni Cruz-Angeles ay mga pahayag ng abogadong si Ferdinand Topacio noong ibinunyag na si Cruz-Angeles at ang co-counsel na si Ahmedy Paglinawan ay pinapasuweldo ng gobyerno.
Hinamon ni Paglinawan si Topacio sa sarili niyang Facebook account kasabay ng tanong na “inaakusahan mo ba akong ilegal na tumatanggap ng pera mula sa gobyernong ito kaugnay sa kaso ng INC na aking hinahawakan?”
“Ipaliwanag mo nga sa akin, gaya ng pangangaral sa isang batang siyam na taong gulang, kung bakit hindi kita ihahabla dahil sa pang-iintriga laban sa kapwa abogado kaugnay sa lehitimong pagsasagawa ng kanyang propesyon,” dagdag ni Paglinawan.