Dahas vs INC posible (Dahil sa bintang…)
Hataw News Team
November 6, 2015
News
MARIING sinabi ng human rights advocate at eksperto sa constitutional law na si Harry Roque na ang mga kasong isinasampa laban sa pamunuan ng Iglesia Ni Cristo (INC) ay hindi dapat mauwi sa “bigotry at sa panggigipit sa Iglesia at mga kasapi” nito bilang paggalang sa ginampanang bahagi sa paghubog ng kultura at kasaysayan ng ating bansa.
Ito ay kasabay ng pahayag ng dating propesor ng international at constitutional law sa Unibersidad ng Pilipinas at ngayon ay pangunahing nominado ng KABAYAN Party-list na ikinababahala nito “kung paanong ibinubunsod ng mga walang basehang paratang ang pag-usbong ng marubdob na damdamin laban sa mga kapanalig ng INC na maaaring mauwi sa karahasan – mga damdaming ni sa hinuha ay wala sa kamalayan natin bilang isang mamamayan.”
“Ilang taga-INC na tinagurian ito bilang ‘bigotry’ at mahirap ang hindi sumang-ayon sa kanila sa harap ng mga komento ng ilang netizens online. Marami ang nakalilimot na ang mga opisyal na napaparatangan ay mga Filipino rin na may karapatan na hindi kaiba sa tinatamasa natin, kasama na ang ‘presumption of innocence,’” paliwanag ni Roque.
“Ang pagiging kasapi nila sa isang religious minority ay hindi nangangahulugang mas kakaunti ang kanilang karapatan sa batas; kabaliktaran dito, mas higit silang karapatdapat sa lubusang proteksiyon ng batas dahil sila’y kabilang sa minorya,” katwiran ng abogadong nagsanay sa UP.
“Sana’y naiintindihan ninyo ako. Bagama’t kailangan ipairal ang katarungan, huwag sanang humantong sa agad-agarang pagkondena sa Iglesia at sa mga kapanalig nito dahil lamang sa isang panayam sa telebisyon. Ang nakalulungkot sa mga pangyayaring ito ngayon, ang pagtibag sa isang institusyong malaki ang bahaging ginampanan sa kultura at kasaysayan ng Filipinas,” dagdag ni Roque.
“Ang INC ay itinatag sa payak at simpleng panimula at nakapaghikayat nang milyon-milyong kapanalig, sampu ng iba pang lahi sa buong mundo. Saan mang lupalop ang narating nito, hindi lang mga aral espiritwal kundi pati na rin ang wika at kulturang Filipino na napapalaganap ng kanilang pangrelihiyong hakbangin.”
Ayon kay Roque, naitataguyod din umano ng pangangaral ng Iglesia sa kanilang mga mananampalataya ang “kabutihang asal at pansibikong pagpapahalaga” – mga bagay na itinuturing ng batikang abogado na “malubha ang pangangailangan ng bansa ngayon.”
Ang pamunuan ng INC ay nahaharap sa mga hablang serious illegal detention sa Department of Justice matapos paratangan ng itiniwalag na ministrong si Isaias Samson, Jr., na siya at ang kanyang pamilya ay ginipit at ikinulong sa utos n ito. Ang dating ministro na si Lowell Menorca II ay nagsampa rin ng katulad na reklamo laban sa nasabing mga opisyal ng Iglesia.