APEC delegates protektado vs tanim-bala (Tiniyak ng Palasyo)
Hataw News Team
November 5, 2015
News
TINIYAK ng Palasyo na hindi mabibiktima ng tanim-bala scam sa NAIA ang 10,000 delegado na dadalo sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit na gaganapin sa Filipinas sa Nobyembre 17-20.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, may ipinatutupad na sistema ang Department of Transportation and Communications (DoTC) para matuldukan na ang tanim-bala sa NAIA.
Binigyang diin niya na hindi papapayagan ng Palasyo na mabiktima nang maling akusasyon at pangingikil sa airport and APEC delegates dahil kapagnagkataon ay malaking kahihiyan ito sa international community.
Ngunit nilinaw ni Valte, hindi lang dahil sa APEC delegates kaya inaayos ang sistema sa NAIA kundi upang wala nang maging biktima pa ng illegal na aktibidad.
“The concern is not because they are APEC delegates but for every person who passes through that airport. So those procedures should be tweaked, fixed, improved so a single person will not have to be subjected to extortion or to an unfair accusation,” sabi ni Valte.
Rose Novenario
UN sa staff: Mag-ingat sa tanim-bala sa PH
NAGPALABAS na rin ng abiso ang United Nations (UN) para sa kanilang mga staff na nagtutungo sa Filipinas kaugnay ng tanim-bala scheme sa NAIA.
Ayon sa babala ng UN Department of Safety and Security, kailangang maging extra cautious ang kanilang mga tauhan lalo na kung sila ay nasa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Gayonman, nilinaw ng UN na hindi nila agad pinaniniwalaan ang mga isyu ukol sa naturang iskandalo ngunit bahagi na ng kanilang mga patakaran sa mga tauhan ang pagtitiyak sa lahat ng aspeto ng kaligtasan.
Una rito, ilang lokal at banyagang biyahero na ang nahulihan ng bala sa kanilang bagahe ngunit itinuring lang ng ilang mga awtoridad bilang isolated cases ang mga ito, bagay na inalmahan ng ilang grupo at naging sanhi pa ng pagsasampa ng reklamo sa Office of the Ombudsman.
OFWs pinag-iingat ng DoLE vs Tanim-Bala
PINAALALAHANAN ni Labor and Employment Secretary Rosalinda Baldoz ang overseas Filipino worker (OFWs) na maging maingat sa mga bagahe sa gitna ng tanim-bala scam sa airport.
Ayon sa kalihim, ang tanging solusyon para hindi mabiktima ng tanim-bala syndicate ay maging mapagbantay ang mga bibiyahe sa kanilang mga bagahe.
Kinakailangan aniyang bantayang maige ang kanilang mga dala-dalahan at huwag pipikit habang sinusuri, makabubuti rin aniyang i-report ang ano mang kahina-hinalang gawain o kilos ng mga airport personnel.
Idinagdag ng kalihim, makatutulong ang pagsasagawa ng imbentaryo sa laman ng bagahe, at ito ay ipakita sa mga awtoridad kung kailangan bago nila tingnan o suriin ang mga dalang bagahe
Dahil kabilang sa nabibiktima ay mga OFW, inatasan ni Baldoz ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na maging mapagbantay at tulungan ang mga OFW na pauwi at paalis ng bansa.
Leonard Basilio