65-anyos lola tinaniman ng bala
JSY
November 3, 2015
News
ISANG sexagenarian, hinihinalang biktima ng ‘tanim-bala’ ang pinigilang makasakay ng eroplano kahapon ng umaga nang mnakita ang balang nakatago sa kanyang handbag.
Tumangging buksan ni Nimfa Fontamillas, 65-anyos, ng Cavite, ang kanyang bag kung kaharap ang kanyang abogado.
Si Fontamillas ay lilipad kasama ang kanyang anak na si Menchu Tan patungong Singapore lulan ng Tiger Airways flight TR2729 nang maharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 1 final security check.
Sinabi ng Philippine National Police-Aviation Security Group (Avsegroup) na napansin ng Office of Transportation Security (OTS) personnel ang balang .9mm sa loob ng bag side pocket ng pasahero na sinadyang itinahi upang magmukhang sira at hindi mabuksan.
Ayon kay Avsegroup director C/Supt. Pablo Francisco Balagtas, kitang-kita ang imahe ng .9mm bullet sa OTS x-ray monitor na sinadyang i-save o i-record upang gawing ebidensiya simula nang maging international embarrassment ang NAIA dahil sa “tanim-bala” scam.
Pumayag ang abogado ni Fontamillas na nakilalang si Atty. Clint Estandarte na buksan ang bag pero hiniling na idaan muli sa x-ray ang bag upang personal niyang makita.
Kinailangan pang gumamit ng Swiss knife ang mga awtoridad para tanggalin sa harap nina Fontamillas at Estandarte ang sinulid sa pocket zipper.
Nang imbestigahan, mariing tumanggi ang may-edad na pasahero saka sinabing, “paano kami magdadala ng bala, kung sa aming bahay wala kaming mga baril.”
Sinabi ni Menchu na kaya sila pupunta ng Singapore dahil ang kanyang 11-taon gulang na anak at ka-team nito ay maglalaro ng football doon.
Aniya, ang football team ay lumipad lulan ng Philippine Airlines samantala sila ay naka-book sa Tiger Airways.
Ang problema, dugtong ni Menchu, nasa kanya ang allowance ng kanyang anak.
Nagpaiwan na rin sa Manila si Menchu upang samahan ang kanyang ina na inilipat ng kostudiya sa PNP-Avsegroup.
JSY
Utak at sangkot sa ‘Tanim-Bala’ Scam kulong habambuhay — PAO Chief Acosta
TINIYAK ni Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Acosta na makukulong nang habambuhay ang mga sangkot sa ‘tanim-bala’ scam na bumibiktima sa mga kaawa-awang turista at overseas Filipino workers (OFWs) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay Acosta, hihilingin niya sa mga opisyal ng Manila International Airport Authority (MIAA) at Department of Transportation and Communications (DOTC) na payagan ang PAO na maglagay ng “Help Desk” sa NAIA upang makapagbigay ng ayudang legal sa mga pasaherong nabibiktima ng tanim-bala scam.
“Ito’y upang may abogado na kagyat na makasasaklolo sa mga biktima ng tanim bala scam,” aniya.
Binigyang-diin ni Acosta, habambuhay na pagkabilanggo ang parusa sa sinomang opisyal o kawani ng pamahalaan na mapapatunayang responsible sa pagtatanim ng bala sa bagahe ng pasahero, alinsunod sa Article 5, Section 3 ng Republic Act 10591 at Article 363 ng Revised Penal Code.
“May mga batas na nagpapataw ng mabigat na parusa sa mga nagtatanim ng ebidensiya, kailangan lang ay ipatupad ang mga ito,” dagdag niya.
Nanawagan si Acosta sa publiko na tumawag lamang sa PAO hotline na 929-94-36 o 029299436 kapag nabiktima ng tanim-bala scam.
Rose Novenario
PNoy ‘di pa kombinsido sa Tanim-Bala Scam sa NAIA
DUDA pa rin si Pangulong Benigno Aquino III na may nagaganap na ‘tanim-bala’ scam sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kahit halos dalawang buwan nang may sunod-sunod na nabibiktimang turista at overseas Filipino workers (OFWs).
Sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, sa pulong ng Pangulo at ni Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya, inatasan ng punong ehekutibo ang kalihim na beripikahin ang lahat ng ulat ng media hinggil sa ‘tanim-bala’ scam.
Nais aniya ng Pangulo na alamin nang husto ang buong problema upang mabigyan nang tamang solusyon.
Ipaaalam aniya ni Abaya bago matapos ang linggong ito ang mga nakalap na datos kaugnay sa isyu dahil may mga pagkakaiba sa tunay na detalye kaysa sa lumalabas sa media.
“What media is reporting is only a slew. There’s a… That’s why the President wants to cast a wide net. Let’s look at the entire picture. It’s only been… Let’s correctly identify the problem,” sabi ni Lacierda.
Inihalimbawa niya ang isang Hapones na nakompiskahan ng bala sa bagahe na ayon sa media ay biktima ng ‘tanim-bala’ ngunit talaga palang nakaligtaang alisin ang bala na galing sa isang firing range.
Iwas-pusoy si Lacierda sa posibilidad na may sisibaking opisyal sa DoTC at MIAA dahil sa ‘tanim bala’ scam.
Rose Novenario
Porters sa NAIA apektado ng ‘tanim-bala’
BUNSOD nang pangambang mataniman ng bala, balot na balot ang mga bagahe ng mga pasaherong dumaragsa sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 (NAIA-3).
Bukod dito, ayaw na rin ng karamihan ng mga pasahero na ipahawak sa mga kargador sa paliparan ang kanilang mga bagahe.