‘Death Squad’ sa iglesia tsismis lang (Iresponsable at padalos-dalos)
Hataw News Team
October 29, 2015
News
SA HARAP ng mga lumalabas na alegasyon na ang Iglesia Ni Cristo (INC) ay may ikinukubling ‘private army’ at ‘death squad’ upang ipanakot sa kanilang mga miyembro, agad lumutang si Quezon City Department of Public Order and Safety (DPOS) chief Elmo San Diego noong Miyerkoles upang pabulaanan ang mga paratang at magbigay ng babala laban sa padalos-dalos na konklusyon hinggil dito nang walang matibay na patunay.
“Pag-ingatan sana ng publiko ang paniniwala at pagpapakalat ng mga ganitong impormasyon dahil malaki ang implikasyon nito sa public order and safety na apektado hindi lamang ang mga kasapi ng Iglesia kundi pati na rin ang publiko,” babala ni San Diego, na isang dating police general.
Ang mga ganitong akusasyon, ayon kay San Diego, ay maaaring makapagpahina ng tiwala ng publiko sa mga may kapangyarihan at maaari pang magbunga ng samot saring pala-palagay na hindi naman kailangan ng publiko lalo na sa panahon ngayon.
“Ano sa tingin ninyo ang mangyayari kapag may lumabas na pahayag na nagsasabing okay lang sa gobyerno at pinababayaan ang pagkakaroon ng ganitong mga armado sa inyong komunidad? Gagawa lamang ito ng takot at pagkabalisa, at ninipis ang pagtitiwala ng tao sa ating mga pulis at sa iba pang mga tagapagpatupad ng batas. ‘Wag sana nating paghariin ang takot,” ayon kay San Diego.
Hinimok din ng DPOS Chief ang dalawang kampo sa isyu ng INC na maging mas responsable sa kanilang mga binibitawang salita kasabay ng pahayag na “paaalalahanan ang sino man laban sa pagpapakalat ng usapin hinggil sa paglipana ng mga armadong grupo upang maghari ang takot at karahasan, lalong-lalo na kung ang mga pahayag ay walang basehan o patunay.”
Samantala, nanawagan si INC spokesperson Edwil Zabala sa mga kasapi ng Iglesia na manatiling mahinahon at patuloy na manalangin.
“Tinitiyak ng pangasiwaan ng Iglesia na haharapin natin ang mga usaping ito nang buong dangal at matatag na pagtitiwala sa pantay na pagturing ng sistema ng katarungan sa bansa,” pahayag ni Zabala.
Humingi rin ang tagapagsalita ng INC ng pang-unawa at sapat na panahon para tugunan ang mga isyu sa Iglesia sa gitna ng “walang basehan at padalos-dalos na pamamaratang na lumilihis sa layuning makamit ang katarungan para sa lahat.”