Gobyernong may puso suportado ng Koops (LP bet ibinasura)
Hataw News Team
October 28, 2015
News
TABLADO sa buong sektor ng kooperatiba si Liberal Party (LP) senatorial bet at COOP-NATCCO Rep. Cresente Paez na nagsabing suportado umano siya ng buong sektor ng kooperatiba sa bansa.
Pero mariing pinasinungalingan ng mga kooperatibang kalahok kamakailan sa Centennial Cooperative Unity Assembly ang sinabi ni Paez na nasa likod umano ng kanyang pagtakbo ang 24,000 kooperatiba kasama ang 13 milyong indibidwal na kasapi.
Sa isang panayam habang isinasagawa ang pagtitipong inorganisa noong nagdaang linggo ng Philippine Cooperative Center (PCC) na dinaluhan ng 25,000 kasapi, sinabi ni PCC Director Loreto L. Ramiro: “Hindi iniendorso ng ‘coop sector’ ang kandidatura ni Rep. Cris Paez.”
Kamakailan, mayabang na tiniyak ni Paez, sa isang panayam sa telebisyon, na mananalo siya bilang senador dahil umaasang susuportahan ng buong sektor ng mga kooperatiba.
“Alam kong mananalo ako. Bakit? Sa pagpapasimula pa lamang ng party-list system noong 1998, sinabi na naming napapanahon na ang aming pakikilahok. Kaya nga itinayo namin ang Coop-NATCCO party-list at nanalo kami. At sa bawat halalan mula noon, nananalo kami,” ayon kay Paez sa panayam ng ANC Headstart.
Sinabi ni Paez na inaasahan niya ang tinatayang 13 milyong miyembro ng Coop-NATCCO at ang mga kooperatibang nasa 24,000 lahat na “magde-deliver” ng kinakailangang boto para sa kanya sa 2016.
Pero itinanggi rin ni Ramiro, na General Manager ng Kabisig Savings and Agri-Development Cooperative at Chairman ng pinakamalaking pederasyon ng mga kooperatiba sa Hilagang Luzon — Northern Luzon Federation of Cooperatives and Development Center (NORLU CEDEC), ang mga pahayag ni Paez kasabay ng paglilinaw na “bilang pinakamataas na organisasyon sa tuktok ng kooperatibismo sa bansa, tanging ang PCC lamang ang may karapatang kumatawan sa buong sektor at magpahayag ng ganoong saloobin.”
“Ang desisyon ni Rep. Paez na tumakbo bilang senador ay sa kanya lamang. Bagamat kabilang siya sa isang kooperatiba, parang pinapangunahan na niya ang aming mga kasapi noong sinabi niyang suportado siya ng mga kooperatiba sa buong bansa,” paliwanag ni Ramiro.
Samantala, iginiit ng mga pinuno ng kooperatibang mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao ang kanilang pagsusulong sa kandidatura ni Sen. Grace Poe at Sen. Chiz Escudero na nangungunang tambalan bilang presidente at bise-presidente ngayon base sa resulta ng magkakasunod na survey.
“Ang pamunuan ng Tagalog Cooperative Development Center (TAGCODEC) ay sumusuporta sa tambalan ni Senator Grace Poe at Sen. Chiz Escudero dahil sa paninindigan nilang mangasiwa sa isang “Gobyernong may Puso” na magsusulong sa inclusive growth at magtitiyak na walang maiiwan sa pag-unlad,” ayon naman kay Bb. Volet Pingo, Chief Executive Officer (CEO) ng TAGCODEC – isang regional coop federation na ang mga kasapi ay nagmumula sa Region 3, Region 4A, Region 4B at NCR.
Ayon naman kay general manager ng Sto. Niño Development Cooperative ng Sto. Domingo, Ilocos Sur na si George Tadena, ang mga pahayag ng tambalang Grace-Chiz ay “tumatagos sa aming mga kasapi na hindi nararamdaman ang pakinabang na dapat tinatamasa natin ngayon mula sa sinasabi nilang paglago ng ekonomiya.”
“Pinapalakas din ang aming loob sa paninindigan ni Poe at Escudero sa mahahalagang isyu gaya ng pagpapababa ng income tax at pagpapalaki ng benepisyo mula sa SSS. Pinapatunayan lamang nito ang kahandaan ng tambalan na pangunahan ang pagtugon sa pangangailangan ng karaniwang mamamayan na marami sa kanila ay miyembro ng mga koop na kagaya namin,” pahayag ni Norman Diaz, Chairman of Northern Samar Development Workers Cooperative ng Catarman, Northern Samar.
Sa kanilang pag-iikot sa buong bansa, patuloy na nananawagan si Poe at Escudero ng pagsusulong sa isang “Gobyernong may Puso na Walang Maiiwan.”
Ipinaliliwanag ni Escudero sa kanyang mga panayam na sila ay nagsusulong ng “isang gobyernong hindi robot, isang gobyernong hindi simpleng makina lamang; gobyernong nakakaramdam at may pakiramdam.”
“Yung nasasaktan pag may sakuna o may kalamidad, ‘yung nagagalit kapag may Filipinong inaapi. Isang gobyernong natutuwa, nagagalak ‘pag may Filipinong nagtatagumpay. Isang gobyerno na titiyakin na ang pag-unlad ay makararating sa bawat sulok ng bansa.”