Sunday , December 22 2024

3 milyon hindi makaboboto sa 2016 – Chiz (Dapat walang maiiwan)

1026 FRONTNANGANGAMBA ngayon si Sen. Chiz Escudero na mahigit tatlong milyong botante ang maaaring hindi makaboto sa halalang pampanguluhan sa susunod na taon kung hindi makapagpapatala, hanggang sa susunod na Sabado, ng kanilang biometrics data.

Kaugnay nanawagan ang senador sa mga kwalipikadong botante na pagtibayin ang kanilang registration bilang suporta sa information drive ng Commission on Elections (COMELEC).

Ayon kay Escudero, ang panawagan sa mga botante na pagtibayin ang kanilang rehistro sa pamamagitan ng pagpapatala ng kanilang biometrics data ay may kaugnayan sa plataporma ng kanilang tambalan ni Sen. Grace Poe na “Walang Maiiwan” na nakabatay sa prinsipyo ng panlahatang pakikilahok o inclusiveness.

“Tumatakbo kami sa ilalim ng plataporma ng panlahatang pakikilahok o inclusiveness. Subalit mahigit tatlong milyong botante ang tinatayang maiiwan  at hindi mapapakinggan sa 2016 kung hindi natin tutulungan ang COMELEC. Inaanyayahan namin ang aming mga tagasuporta na kombinsihin ang kanilang mga kaibigan at kamag-anak na suriin ang kanilang rehistro sa COMELEC at magpatala na ng kanilang biometrics data bago magtapos sa susunod na linggo,” paghimok ni Escudero.

Bataya sa Republic Act 10367, lahat ng rehistradong botante na walang biometrics data (retrato, fingerprint at pirma) ay kailangang gawin ito sa tanggapan ng kanilang city o municipal election officer. Sino mang botante na hindi makapagpapatala bago ang deadline ay tatanggalin sa listahan ng mga maaaring bumoto sa Mayo 2016.

Itinakda ng Comelec ang deadline ng validation o pagpapatibay ng regstration sa October 31 ng taon kasalukuyan. Sinimulan ng nasabing tanggapan ang “No Bio, No Boto” campaign ilang buwan na ang nakalipas at nagtakda rin ng mga satellite registration sa mga mall at barangay halls upang ilapit ang nasabing proseso sa mga botante.

Pinaalalahanan ni Escudero ang mga botante kung ano ang halaga ng kanilang karapatan sa pagboto at tinuran ang tinatadhana sa desisyon ng Korte Suprema ng Estados Unidos sa kasong Wesberry v. Sanders na nagsasabing “walang mas mahalaga pang karapatan sa isang bansang malaya kaysa pagkakaroon ng boses sa halalang magluluklok sa katungkulan sa mga taong gagawa ng batas na ang lahat ng mabuting mamamayan ay mamumuhay sa ilalim nito.” 

“Hihiramin ko ang mga sinabi ni Retired Chief Justice Reynato Puno,” ani Escudero, “ng sinabi niyang ang halalan ay dakilang tagapagpantay-pantay dahil tayong lahat, kahit na ano ang ating pinagmulan o estado sa buhay, ay may isang boto, at ito ang natatanging pagkakataon nating mapakinggan.”

Ayon kay Escudero, tama rin ang iginagalang na mahistrado sa pagsabing “ang inyong iluluklok sa Malacañang o sa Kongreso ang magtatakda kung magkano ang buwis na iyong binabayaran, kung saan ito mapupunta at siya ring magsasabi kung ang mga karapatang tinatamasa mo ngayon ay mapapasaiyo pa rin sa kinabukasan.”

Bagamat natutuwa sa mga hakbang ng Comelec, ikinabahala naman niya ang maaaring implikasyon ng pagtanggal sa talaan ng tatlong milyong botante.

“Nauunawaan natin ang pangangailangan sa biometrics.  Naiintindihan din natin na ginagawa lamang ng Comelec ang kanilang mandato ayon sa batas. Ngunit ang pagkakatanggal sa talaan ng Comelec sa tatlong milyong mga botante ay lubos kong ikinababahala. Hindi na importante kung sila ay aming mga tagasuporta o kapanalig ng ibang kandidato. Ang mahalaga ay kung maipapahayag nila ang kanilang napupusuan sa pamamagitan ng kanilang mga balota,” diin ni Escudero.

Sa datos noong nakaraang buwan, nasa 369,865 rehistradong botante mula Metro Manila ang wala pang biometrics samantala bawat isa sa mga lalawigan ng Cavite, Rizal at Nueva Ecija ay may tig-100,000 kwalipikadong botante na wala pang biometrics data. Tinatayang nasa 18% naman ng mga rehistradong botante sa Cotabato City at lalawigan ng Kalinga ang wala pang updated na biometrics data.

Sa gitna ng nakababahalang bilang ng mga botanteng wala pang biometrics data, sinabi ni Chairman Andres G. Bautista kamakailan lamang na hindi na papalawigin pa ng Comelec ang nakatakdang deadline sa katapusan ng Oktubre.

About Hataw News Team

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *