Saturday , November 16 2024

18 patay sa hagupit ni Lando

1020 FRONTUMAKYAT na sa 18 ang bilang ng mga namatay sa pananalasa ng bagyong Lando sa Filipinas.

Sa opisyal na tala ng National Disaster Rist Reduction and Management Council (NDRRMC), dalawa ang kompirmadong patay, kabilang ang 62-anyos na si Benita Familay na nabagsakan ng pader sa Subic, at si Rannel Castiollo, patay rin nang mabagsakan ng puno ang kanilang bahay sa Quezon City.

Habang kinompirma ni Nueva Ecija Gov. Aurelio Umali na dalawa ang namatay sa kanilang lalawigan at narekober ang mga bangkay makaraang tangayin ng baha.

Samantala, umakyat na rin sa pito ang patay sa tumaob na motor banca na MV Tawash sa baybayin ng Iloilo at Guimaras kamakalawa ng hapon.

Kahapon ay binawian ng buhay sa ospital ang pampitong casualty na si Mary Ann Gallego na kritikal  na nang dinala sa Iloilo St. Paul’s Hospital.

Kinilala ang natitirang apat sa mga namatay na sina Cora Ganila ng Hoskyn, Jordan, Guimaras; Christine Daryle Vasquez ng Constancia, San Lorenzo, Guimaras, at ang magkapatid na Mark Reial Mata, 9, at Luke Shile Mata, 6, habang hindi pa natatagpuan ang kanilang ina na si Shane Mata, at isa pang kapatid na si CJ Gamotcha.

Ang dalawa pang namatay ay sina Ruben Gania, 54, at Larry Abilla, 59, parehong crew ng motor banca.

Sa iba pang ulat, patay rin ang isang lalaki nang makoryente sa kasagsagan ng bagyong Lando sa Cagayan.

Kinilala ang biktima sa pangalang Jackson Cusipag, 26, residente ng Brgy. Buyun Peñablanca, Cagayan.

Habang kinompirma ni Aurora Gov. Gerardo Noveras, isa ang namatay sa bayan ng Dinalungan makaraang tamaan ng bumagsak na haligi ng kanilang bahay.

Habang umakyat na sa apat katao ang namatay sa rehiyon Cordillera makaraang matagpuan ang bangkay ni Ryan Biglay na una nang napaulat na nawawala sa Tineg, Abra makaraang magpunta sa ilog para mangisda kamakalawa.

Ayon sa Abra Police Provincial Office, kinompirma ng mga kapwa CAFGU ang pagkakakilanlan ng biktima nang matagpuan ng isang residente sa Pacac, Dolores, Abra pasado 3 p.m. kahapon.

Maaalala, unang narekober ang bangkay ng isang magsasaka sa Apan Sipitan, Dalipey, Bakun, Benguet kahapon ng madaling araw makaraang matabunan ng lupa.

Samantala, narekober din ang bangkay nina Reginald Basilio, 37; at Antonio Palay, 61, makaraang matabunan nang buhay sa Tinoc, Ifugao.

Patay rin si Muergo Muerong nang madaganan nang nabuwal ang puno ng santol na tumama sa bahay niya sa bayan ng Mangatarem, Pangasinan.

Lando humina ngunit pagbaha titindi pa

PINAGHAHANDA ng Pagasa ang publiko sa pagbabalik sa lupa ng bagyong Lando sa western section ng Northern Luzon.

Ayon sa weather bureau, bagama’t inaasahang hihina pa ang bagyo, malaki pa rin ang posibilidad na magdala ito nang mas matinding baha.

Huling namataan ang sentro ng typhoon Lando sa layong 20 km kanluran ng Vigan City, Ilocos Sur.

Taglay nito ang lakas ng hangin na 120 kph habang ang pagbugso ay aabot ng 150 kph.

Kumikilos ito nang pahilaga hilagang silangan sa bilis na 5kph.

Nakataas sa signal no. 2 ang Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Abra, Apayao, Kalinga, Mt. Province, Ifugao, Benguet at Cagayan kasama na ang Calayan at Babuyan group of Islands

Habang signal no. 1 sa Pangasinan, Zambales, Tarlac, Pampanga, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, Quirino, Aurora, Isabela at Batanes

Relief ops sa Lando victims walang politika — Palasyo

WALANG kulay-politika ang pagbibigay ng ayuda ng administrasyong Aquino sa mga sinalanta ng bagyong Lando.

Ito ang tiniyak ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda kasunod ng pangamba na hindi makararating agad sa Hilagang Luzon ang kinakailangang tulong mula sa pamahalaan dahil hindi kaalyado ng administrasyon ang kanilang mga lokal na opisyal.

“In any natural calamity in any storms, the administration has been assisting, and siguro what we call ‘color blind,’ regardless of your political affiliation because we’re not looking at the person, the local government official, it’s… At the end of the day, we need to address the concerns of the people on the ground and those are people whom we have committed to serve regardless of your political affiliation, we will reach you,” ani Lacierda.

Ayon kay Lacierda, patuloy ang koordinasyon ng mga ahensiya ng gobyerno sa  pagresponde sa mga apektado ng bagyong Lando.

“Over the weekend, various government agencies and units have been working continuously to minimize damage from the typhoon. Of the 4,892 families or 20,492 persons affected in Regions I, II, III, IV-A, V, and CAR, 1,830 families or 6,776 persons were preemptively evacuated. As of midnight yesterday, the DSWD has made available a total of ± 1,169,032,137.15 in standby funds, 196,737 family food packs, and ± 158,164,761.76 worth of food and non-food items. As of yesterday, power supply has been restored in 5 cities and 48 municipalities in Ilocos Norte, Pangasinan, La Union, Cagayan, Isabela, Nueva Ecija, Zambales, Tarlac, Laguna, and Benguet,” aniya pa.

Pinangunahan kahapon ni Pangulong Benigno Aquino III ang pamamahagi ng relief goods sa mga biktima ng bagyo sa Nueva Ecija National High Schoo sa Cabanatuan City.

Hindi na natuloy si Pangulong Aquino sa Sta Rosa, Nueva Ecija dahil sa taas ng tubig baha.

Rose Novenario

Mag-ingat vs Leptospirosis

TUGUEGARAO CITY – Muling nagbabala ang Department of Health (DOH)-Region 2 sa po-sibleng sakit na maaaring makuha sa pagbaha.

Ayon kay Dr. Valeriano Jesus Lopez, director ng DOH-2, nakatutok sila sa mga residenteng nakararanas ng pagbaha dulot ng pag-apaw ng tubig sa Cagayan river.

Sinabi ni Dr. Lopez, isa ang sakit na leptospirosis sa kanilang binabantayan na galing sa dumi ng daga.

Maaari ring magkaroon ng impeksyon ang taong may sugat ‘pag lumusong sa baha.

Karaniwan na rin ang sakit na sipon at ubo maging ang diarrhea dahil kontaminadong tubig.

3 bagets nasagip sa tumaob na bangka sa Manila Bay

NASAGIP ng mga pulis ang tatlong menor de edad nang tumaob ang sinasakyan nilang bangka sa kasagsagan ng bagyong Lando kamakalawa ng hapon sa Manila Bay, Ermita, Maynila.

Kinilala ang tatlong sina Jade Salinas, 13; Sam Roa, 11; at Joel Calimpas, 15, pawang mga estudyante at naninirahan sa Block 1 Aplaya, Baseco Compound, Port Area, Maynila.

Ayon kay Supt. Albert Barot, hepe ng MPD Station 5, ang tatlo ay nailigtas nang nagrespondeng sina SPO4 Rowell Robles, SPO1 Ruellester  Santos, PO3 Rolando Manipolo at PO3 Leyva.

Nauna rito, dakong 5:55 ng hapon kamakalawa, lulan ng bangka ang tatlo upang mamulot ng mga basura sa pampang ng Manila Bay nang tangayin sila ng alon patungo sa laot.

Leonard Basilio

About Hataw News Team

Check Also

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *