‘Lando’ hahagupit hanggang miyerkoles
Hataw News Team
October 19, 2015
News
HANGGANG sa Miyerkoles pa mananalasa bago umalis sa Luzon ang bagyong Lando.
Bahagyang humina ang bagyo pero patuloy na hinagupit ang Central at Northern Luzon.
Ayon sa Pagasa, taglay na ng bagyo ang lakas ng hangin na aabot sa 150kph-185kph.
Umuusad ang bagyo sa mabagal na 5 kilometro bawat oras.
Unang nag-landfall ang mata ng bagyo sa Aurora kahapon ng madaling araw saka sa Nueva Ecija at tinatayang tutumbukin ang Cordillera Region.
Inaasahan pa rin ang malalakas na hangin at ulan sa mga lugar na nakataas ang storm signals.
Bahagyang humina ang bagyo kaya tinanggal ang signal number 4, pero nanatili ang signal number 3 sa Aurora, Quirino, Nueva Vizcaya, Nueva Ecija, Benguet, Ifugao, Mountain Province, Kalinga, La Union at Pangasinan.
Nasa signal number two ang Cagayan gayondin ang Calayan at Babuyan Group of Islands, Isabela, Abra, Apayao, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Rizal, Northern Quezon gayon din ang Polillo Islands at Metro Manila.
Signal number one sa Batanes, Cavite, Laguna, Batangas at iba pang bahagi ng Quezon.
Kahit na humina ang bagyo ay halos buong Luzon ang apektado ng mga pabugso-bugsong ulan. (HNT)
3 patay, 15k bumakwet sa hagupit ni lando
TATLO na ang kompirmadong patay habang mahigit sa 15,000 katao ang nagsilikas dahil sa epekto ng bagyong Lando sa Regions I, 2, 3, 4-A, 5 at CAR.
Ang dalawang namatay ay kinompirma ni Nueva Ecija Gov. Aurelio Umali, sinasabing natagpuan ng kanilang rescuers sa Palayan City dahil sa mga pagbaha.
Sa ulat ng DPWH, isang 14-anyos binatilyo ang namatay at apat ang nasugatan sa bahay na nabagsakan ng puno sa Quezon City.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa 15,038 residente ang nagsilikas at pansamantalang nanunuluyan sa 123 evacuation centers.
10 kalsada, 8 tulay unpassable sa baha, landslide – NDRRMC
UMABOT sa 10 kalsada, walong tulay ang kasalukuyang hindi madaraanan sa dahil sa baha at landslide sanhi ng Bagyong Lando.
Ito ay batay sa report na inilabas ng National Dissaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) sa kanilang monitoring.
Ayon kay NDRRMC Executive director USec. Alexander Pama, kanila nang nai-dispatch ang emergency communication response system partikular sa mga lugar na nawalan ng communication lines lalo na sa ilang lugar sa probinsiya ng Aurora.
Sinabi ni Pama, dalawang siyudad at 22 municipalities ang nawalan ng koryente dahil sa Bagyong Lando habang sa ibang lugar ay sadyang pinutol bilang safety measure.
4 major Luzon dams nagpakawala ng tubig
APAT malalaking dam sa Luzon ang binuksan ang kanilang gates nitong Linggo upang magpakawala ng tubig sa gitna ng bagyong Lando, ayon sa state weather bureau PAGASA.
Ang Ipo dam sa Bulacan ang nagbukas ng gate para sa pagdaloy ng tubig, habang ang Ambuklaw dam sa Benguet, ay apat ang binuksan.
Ang Binga dam Benguet ay nagpalabas na rin ng tubig sa pamamagitan ng anim gates. Ang Magat dam sa Isabela ay may tatlong gates.
Ang water level ay tumaas din sa dams ng Angat dam sa Bulacan, La Mesa sa Quezon City, Pantabangan sa Nueva Ecija at Caliraya sa Laguna.
Ang apat na dams na ito ay hindi pa umaabot sa spilling level.
Sinabi ni PAGASA hydrologist Richard Orendain, inaasahang patuloy na tataas ang antas ng tubig sa nasabing dams sa susunod na mga araw.
Magpapahupa umnao sa pangambang magkaroon ng krisis sa tubig sa panahon ng El Niño.
2 fishing vessel sumadsad sa Laoag
LAOAG CITY – Patuloy na mino-monitor ng mga awtoridad sa Lungsod ng Laoag ang dalawang fishing vessel na sumadsad sa karagatang bahagi ng Brgy. 35, Gabu Sur sa nasabing lungsod habang humahagupit ang bagyong Lando.
Ito ang kinompirma ni Dr. Melvin Manuel, chairman ng City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC).
Ngunit ayon kay Manuel, sa ngayon ay hindi pa nila matukoy kung ang dalawang fishing vessel ay dayuhan o mga local lamang na nagmula sa ibang lalawigan dahil hindi nila matanto ang naka-marka sa mga nasabing barko.
Aniya, agad silang nakipag-ugnayan sa Philippine Coast Guard, Philippine National Police-Maritime, Philippine Marines, Philippine Navy at iba pang mga awtoridad upang masaklolohan ang mga nakasakay sa dalawang barko.
Batay sa impormasyong ipinarating sa kanya ni Brgy. Chairman Gil Ramos, agad din nagtungo sa tabing dagat ng Sitio Torre, sa tapat nang pinagsadsaran ng mga naturang fishing vessel ay nagpapahiwatig na ang mga crew ay nagpapasaklolo.
Makaraan ang ilang beses na pagtatangkang sumaklolo ang mga awtoridad sa mga crew ng dalawang barko, bigo silang makalapit dahil sa malalaking alon sa dagat na sinasabayan ng malakas na hangin kaya napilitan silang bumalik sa pampang.
Nueva Ecija, Pampanga, Bulacan nasa orange rainfall alert
ISINAILALIM na sa “Orange rainfall alert” ang Nueva Ecija, Pampanga at Bulacan ng DOST Pagasa as of 10 a.m. kahapon bunsod nang malaking banta na magkaroon ng pagbaha dahil sa malakas na buhos ng pag-ulan.
Habang nakataas sa Yellow warning level ang Metro Manila, (CAMANAVA, Quezon City), Northern Rizal, Tarlac at Zambales.
Light to moderate rains ang mararanasan sa Bataan, Cavite, ilang lugar sa Quezon, Laguna, Batangas at ibang lugar sa Metro Manila sa loob ng dalawa hanggang tatlong oras.
Ang nasabing impormasyon ay nakabase sa tropical cyclone track, current radar trends at sa iba pang available meteorological data.
Biyahe ng Fastcraft, maliliit na ro-ro sa Iloilo Bacolod pinigil
ILOILO CITY – Kinansela ng Philippine Coastguard ang byahe ng mga fastcraft na Iloilo City-Bacolod, vice-versa dahil sa sama ng panahon epekto ng bagyo Lando.
Ayon kay Lt. Commander Edison Diaz, pinuno ng Coastguard Iloilo, hindi na nila pinahihintulutan na makabiyahe ang mga fastcraft dahil sa lakas ng alon.
Maging ang maliliit na roro vessel na nasa 250 gross tonnage pababa ay hindi rin pinahihintulutang makabiyahe.
Ito ay magpapatuloy aniya hangga’t hindi binabawi ang itinaas na gale warning.
Habang tuloy ang biyahe ng mga motor banca na Iloilo-Guimaras, vice-versa ngunit nasa 50 porsyento lang ng passenger capacity ang pinapahintulutan at hanggang alas 6 p.m. lamang.
Muling nagpaalala ang coastguard sa mga maliliit na sakayang pandagat na iwasan muna ang magpalaot para iwas disgrasya.
24 flights kanselado
UMABOT sa 24 flights ang nakansela nitong Linggo dahil sa epekto ng bagyong Lando sa Filipinas.
Ito ay kinabibilangan ng 22 domestic at dalawang international flights.
Sa Ninoy Aquino International Airport terminal 1 ang mga sumusunod, CZ 3091 Canton-MNL, at CZ 3092 MNL-Canton.
Sa NAIA terminal 2 ay 2P 2196 MNL-Laoag, 2P 2197 Laoag-MNL, 2P 2198 MNL-Laoag, at 2P 2199 Laoag-MNL.
Sa NAIA terminal 3 ay 5J 771 MNL-Pagadian, 5J 772 Pagadian-MNL, 5J 821 MNL-Virac, 5J 822 Virac-MNL, 5J 504 MNL-Tuguegarao, 5J 505 Tuguegarao-MNL,
5J 506 MNL-Tuguegarao, 5J 507 Tuguegarao-MNL,
5J 887 MNL-Cotabato, 5J 888 Cotabato-MNL,
2P 2959 MNL-Cotabato, 2P 2960 Cotabato-MNL,
At sa NAIA Terminal 4 ay M8 816 MNL-Basco,
M8 815 Basco-MNL, DG 6113 MNL-Naga,
DG 6114 Naga-MNL, DG 6004 MNL-Laoag, at
DG 6005 Laoag-MNL.
Ilang lungsod nagdeklara ng class suspension
BUNSOD nang pananalasa ng bagyong Lando, ilang lungsod sa Metro Manila ang nagdeklara ng suspensiyon sa klase sa mga paaralan ngayong Lunes.
Walang pasok sa lahat ng levels, public and private sa Pateros, Muntinlupa City, at Valenzuela City.
Unang nagsuspendi ng klase kahapon ang Malabon, Navotas Polytecnic College sa Navotas; Pamantasan ng lungsod ng Valenzuela at Valenzuela City Polytechnic College sa Valenzuela City, at lahat ng antas sa Muntinlupa City.
Samantala, awtomatikong suspendido ang pasok sa mga paraalan depende sa warning signals ng bagyo.
AFP Disaster Team kasadosa search and rescue ops
NAKAHANDA na ang 1st Air Division ng Philippine Air Force (PAF) para sa kanilang Joint AFP (Air force, Navy, Army) search and rescue team partikular sa mga lugar na hinagupit ng Bagyong Lando.
Mismong si MGen. Raul Del Rosario, division commander, ang nangunguna sa disaster response teams na binubuo ng 505th Search and Rescue Group na naka-deploy sa Clark Air Base kabilang ang kanilang rescue helicopters.
Naka-standby na rin ang iba pang units ng PAF maging ang kanilang equipment para sa gagawing humanitarian and disaster response operations.
Mahigpit din ang koordinasyon ng PAF sa iba pang units ng AFP, NDRRMC, at LGUs.
Sa ngayon, pinagsama at inalerto na ni Del Rosario ang disaster response teams (DRT) ng Tactical Operations Groups, 505th Search & Rescue Group, 600th Air base Wing, JTF-NCR, Philippine Navy & Philippine Army at Haribon Hangar, Clark Air Base sa Pampanga.
Sinabi ni Del Rosario, may dagdag na mga tropa ang dumating na magsisilbing kanilang augmentation force.