Saturday , November 16 2024

Ikatlong araw ng COC filing mala-fiesta

MALA-FIESTA ang ikatlong araw na itinakdang paghahain ng certificate of candidacy (CoC) sa Commission on Elections (Comelec) ng mga kakandidato sa darating na 2016 national elections.

Kanya-kanyang gimik ang mga kilala at beteranong politiko na nagdala ng streamers at placards at may kasamang mga musikero para mapansin ng mga botane sa harap ng Palacio del Gobernador.

Maaga pa lamang ay binulabog na nang malalakas na tambol ang paligid ng Comelec office sa Intramuros, Manila dahil sa mga tagasuporta ng mga kandidatong tatakbo sa national positions.

Mala-fiesta ang naging sitwasyon sa Comelec mula 8 a.m. hanggang 12 p.m. dahil sunod-sunod ang pagdating ng kilalang mga politiko para maghain ng CoC sa pagka-pangawalang pangulo at sa pagka-senador.

Kabilang sa maagang nagtungo sa Comelec para maghain ng kandidatura sina Alma Moreno, Juan Miguel Zubiri, Romeo Maganto, Rizza Hontiveros, Princess Jacel Kiram, Mark Lapid, Francis Tolentino, dating food czar Kiko Pangilinan, Sherwin Gatchalian, pawang tatakbo bilang mga senador, at Senador Antonio Trillanes IV na tatakbo sa pagka-pangalawang pangulo.

Si Pangilinan, kasama ang asawa niyang si Mega Star Sharon Cuneta ay pinagkaguluhan. Nangako si Pangilinan itutuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng food security kung makababalik siya sa Senado.

Pinagkaguluhan din ang mag-amang sina Senador Lito Lapid at Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) Chief Operating Officer at dating Pampanga Governor Mark Lapid nang maghain ang huli ng CoC sa pagka-senador sa ilalim ng administration slate.

Nabiro pa siya kung bakit hindi nakasakay sa kabayo nang dumating sa Comelec ngunit ngumiti lamang siya.

Sinabi niyang nagdesisyon siyang tumakbo sa pagka-senador upang ipagpatuloy ang sinimulan ng amang si Lito Lapid.

“Ginagawa ko ito para rin ipagpatuloy ang sinimulan ng tatay ko. Utang niya ito sa mga kababayan nating hindi nawawalan ng tiwala sa pagseserbisyong ramdam na ramdam nila,” aniya.

Samantala, si dating MMDA chairman Francis Tolentino ay humakot ng mga tagasigaw nang maghain ng CoC, kasama si Cavite Gov. Jonvic Remulla. Si Tolentino ay tatakbo bilang independent candidate.

Magkasabay rin naghain ng CoC sina Trillanes at ang kanyang mga kaibigan at tagasuporta mula sa party-list group na Magdalo. (LEONARD BASILIO)

 ‘Di sikat na kandidato ‘wag muna husgahan — Comelec

NAKIUSAP sa publiko si Comelec spokesman James Jimenez na huwag munang husgahan ang mga kandidato bilang ‘nuisance’ kahit hindi sila gaanong popular.

Ayon kay Jimenez, kalat na kalat sa internet ang naturang bansag sa mga hindi sikat na naghahain ng certificate of candidacy (CoC).

Giit ng opisyal, maling-mali na husgahan ang isang tao dahil lamang sa nilalaman ng kanyang CoC.

“Makikita mo ba ‘yung buong talambuhay ng tao sa isang kapirasong papel? Makikita mo ba ‘yung buong kakayanan niya base sa nakalaman sa isang kapirasong papel. Siyempre hindi,” wika ni Jimenez.

Kaya aniya, may proseso ang Comelec para salain ang mga kandidato kung pasok sila sa inihanay na mga kwalipikasyon.

Kabilang na ang paglulunsad ng nationwide campaign at pagdalo sa mga political rally at debate.

“Mas maganda, mas mainam, at mas regular ‘yung bibigyan mo muna ng pagkakataon ‘yung taong marinig ang kanyang kaso bago siya husgahan,” dagdag ni Jimenez.

 Seguridad ng makina vs hackers tiniyak ng Smartmatic

HINDI maaaring ma-hack ang mga makina ng Smartmatic! Ito ang ginawang pagtiyak ni Smartmatic-TMI Representative Marlon Garcia sa katatapos na public review ng source code para sa 2016 elections, na ginanap sa De La Salle University sa lungsod ng Manila.

Ayon kay Garcia, ang source ay naka-encrypt sa lahat ng uri ng antas kung kaya’t malabo itong ma-hack nang basta-basta ng mga hacker.

Tinukoy ni Garcia, direktang nakakonekta sa isang network lamang ang bawat makina kaya’t monitor agad ang lahat ng transmission.

Sinabi pa ni Garcia, malabo itong ma-hack dahil sa loob lamang nang hindi lalampas sa dalawang minuto ay napadala na ang ano mang resulta ng isang boto o halalan.

Binigyang-diin pa ni Garcia, awtomatiko ring magsasara o mamamatay ang modem sa sandaling matapos na ang transmission ng data.

NIÑO ACLAN

Wala pang natutukoy na election hotspots sa South Cotabato

KORONADAL CITY – Wala pang natutukoy na election hotspots o “areas of immediate concern” sa ngayon sa lungsod ng Koronadal at sa lalawigan ng South Cotabato, sa gitna nang nagpapatuloy na paghahain ng mga kandidato ng kanilang CoC para sa 2016 elections.

Ito ang inihayag ni Atty. Jay Gerada, ang provincial Comelec supervisor.

Ayon kay Gerada, nagsagawa ang Comelec Region 12 ng regional command conference noong nakaraang linggo upang i-assess ang security situation ng rehiyon at magpatupad ng karampatang hakbang para sa iba’t ibang election-related activities.

Inihayag din ng opisyal na naging payapa ang ikalawang araw kamakalawa sa paghahain ng CoC.

Habang sinabi ni Senior Supt. Jose Briones Jr., provincial police director ng South Cotabato, nasa full alert ang pulisya at ipinaiiral ang maximum personnel deployment sa buong probinsya.

Mino-monitor din aniya ang ilang localities sa lalawigan na itinuturing na “areas of concern.”

Noong 2013 elections, inilagay ng mga awtoridad ang South Cotabato bilang “areas of immediate concern” ngunit idineklara ang mga bayan ng Tampakan at T’boli, at ang Brgy. Ned sa Lake Sebu, bilang “areas of concern.”

Dumaraming presidential aspirants okey sa Palasyo

WALANG nakikitang problema ang Malacañang sa lumulobong bilang ng mga gustong maging presidente ng bansa.

Sinabi ni Communications Sec. Sonny Coloma, wala ring kapangyarihan ang Malacañang para hadlangan ang sino mang indibidwal o Filipino na gustong tumakbo sa pagka-pangulo sa 2016 elections.

Sa ngayon, patuloy na dumarami ang mga naghahain ng certificate of candidacy (CoC) sa Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros, Maynila na ang marami ay panggulo lamang, habang ang iba ay wala sa lugar.

Ayon kay Coloma, ipinakikita lamang nitong buhay na buhay ang demokrasya sa bansa at aktibong nakikilahok ang mga Filipino sa electoral process.

Iginiit pa ni Coloma, walang nakasaad sa Saligang Batas na nagbabawal para sa sino mang maghain ng kandidatura sa pinakamataas na puwesto sa bansa basta may edad 40-anyos, isang natural born Filipino at nasa tamang pag-iisip.

Ipinauubaya ng Malacañang sa Comelec ang pagsala sa mga naghain ng CoC at magpasya sa kanilang kuwalipikasyon at kakayahang kumandidato.

About Hataw News Team

Check Also

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *