PORMAL na naghain ng certificate of candidacy (COC) sa main office ng Commission on Elections (Comelec) para pagka-senador si House Independent Bloc leader at 1st District Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez kahapon ng umaga.
Bitbit ang bandila ng Lakas-CMD bilang presidente ng partido, ginawa ni Romualdez ang pormal niyang pagsabak sa ‘senatorial race’ sa tanggapan ng Comelec kasama ang kanyang misis na si 1996 Bb. Pilipinas-International Yedda Marie M. Kittilstvedt, inang si Juliet Gomez-Romualdez, kapatid na si Benjamin Philip at tiyahing si Leyte Congresswoman at former First Lady Imelda Romualdez-Marcos.
“I am here today as part of my commitment to honor the Romualdez legacy of dedicated public service. Panahon na upang suklian natin ang malasakit na ibinabahagi ng ating mga kababayan nang mas ibayo pang pagmamahal. Gagawin ko itong personal kong misyon, hindi lamang sa amin sa Leyte kundi sa buong bansa,” ang pahayag ni Romualdez sa mga taga-media matapos magsumite ng kanyang COC.
Ayon kay Romualdez, pangunahing isusulong niya sa Senado ang batas para sa kapakanan ng mga kabataan, persons with disabilities (PWDs) gayondin ang may kinalalaman sa climate change, urban disaster at ethnicity.
Sa kanyang tatlong termino bilang kongresista, kabilang sa mga panukalang batas na iniakda niya ay para sa micro-business enterprises, rebuilding efforts sa mga probinsyang sinalanta ni supertyphoon Yolanda.
Patungkol sa PWDs, nais ni Romualdez na ilibre sila sa value-added tax (VAT), base sa inihain niyang House Bill 1039 o “An Act Exempting Persons with Disability from the Value-Added Tax on Certain Goods and Services.”
Sinusuportahan din niya ang panukalang pababain ang personal income at corporate tax rate at may iniakda rin siyang HB 1225 o “An Act Establishing a National Cancer Center to be known as the Philippine National Cancer Center” para sa kinakailangan gamutan ng cancer patients, at ang HB 3486 para sa pagbuo ng Department of Disaster Preparedness and Emergency Management o DDPEM.
“The sole duty of DDPEM is to help victims of disasters and calamities and will focus on natural disasters without the ugly red tape that has caused many delays in the delivery of immediate assistance needed by the victims,” paliwanag ni Romualdez hinggil sa kanyang HB 3486.
Si Romualdez ay isang respected lawyer-cum-constitutionalist, na kasalukuyang presidente ng Philippine Constitution Association (PHILCONSA), isang organisasyon na nagtatanggol at pinoprotektahan ang Saligang Batas ng Pilipinas.