Hot spots, areas of concern ilalabas next week
Hataw News Team
October 14, 2015
News
NAKATAKDANG ianunsyo ng Commission on Elections (Comelec) sa susunod na linggo ang mga listahan ng lugar na isasailalim sa hot spot at areas of concern sa darating na 2016 presidential election.
Ayon kay Comelec chairman Andres Bautista, tatapusin muna nila ang paghahain ng certificate of candidacy (CoC) bago ilabas ang mga lugar na kailangan bantayan ng mga kinauukulan.
Ayon kay Bautista, hindi malalaman na hot spot ang isang lugar kung hindi pa nakapaghahain ng CoC ang tatakbong mga kandidato.
Aniya, kung walang tatakbo o ‘unopposed’ ang isang kandidato ay hindi maibibilang na hot spot ngunit kapag ang isang lugar ay magkakalaban ang mga mahigpit na magkaribal sa politika ay idedeklara nilang hot spot.
Sa ngayon, hawak ng poll body ang listahan ng mga lugar na posibleng isailalim sa hot spot o areas of concern.
“Mayroon pong ibinigay na listahan ang ating armed forces at Philippine National Police, kaya lang hindi natin malalaman na hot spot ‘yan hanggang hindi pa tapos na maghain ngt certificate of candidacy ang mga kandidato. Kasi po, puwedeng maging election hot spot pero kung wala naman pong tatakbo hindi na po magiging hot spot. Mayroon naman pong ibang lugar hindi sila hot spot pero kung ang tatakbo ay mga rivals puwede pong maging hot spot. Malalaman natin yan after filing of certificate of candidacy,” ani Bautista.
Sa mga nagdaang halalan, pinabantayan ng Comelec ang Abra dahil sa mga nangyayaring karahasan na may kinalaman sa eleksiyon.
Tangkang sabotahe sa 1st day ng CoC filing napigilan (Sa Cotabato City)
KORONADAL CITY – Mahigpit ang ipinatutupad na seguridad sa Cotabato City.
Ito’y bunsod nang hindi natuloy na pagpapasabog kamakalawa kasabay ng unang araw ng filing ng certificate of candidacy (CoC) ng political aspirants para sa 2016 national at local polls.
Ayon sa ulat ng mga residente ng Pansacala Extension, Brgy. Rosary Heights, Cotabato City, sa himpilan ng pulisya, bandang 2 p.m. kamakalawa, may nakita silang bomba malapit sa highway.
Ang naturang homemade bomb ay gawa sa 60mm mortar at mayroong timing device.
Agad nagresponde ang mga pulis at kinordon ang lugar. Pansamantala nilang pinatay ang electric power sa lugar para sa bomb detonation procedure.
Mabilis ding naibalik ang koryente makaraang ma-detonate ang bomba.
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kung anong grupo ang nagtanim ng bomba at plano sanang isabotahe ang unang araw ng filing ng CoC sa Cotabato City kamakalawa
2016 Elections total gun ban hiniling
UMAPELA ang tatlong grupo sa Commission on Elections (Comelec) na ipatupad ang total gun ban sa 2016 presidential elections.
Sa isang sulat sa Comelec, hiniling ng grupong Gunless Society, Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), at Physicians for Peace na gumawa ng bagong polisiya.
Nais ng grupo na huwag bigyan ng ‘exemptions’ sa gun ban ang mga pribadong indibidwal maliban na lamang sa mga miyembro ng PNP, militar at iba pang law enforcement agencies ng gobyerno.
“The gun ban is meaningless when many categories of civilians and candidates are exempted. The new gun ban policy should be approved as early as possible in order to warn those who feel threatened to think twice before filing their certificates of candidacy,” base sa sulat na pinirmahan ni Gunless Society president Nandy Pacheco, PPCRV chair Henrietta de Villa at Physicians for Peace chair Dr. Teodoro Herbosa.
Nabatid na ipinatutupad ng Comelec ang gun ban sa panahon ng halalan ngunit binibigyan ng exemption ang ilang government officials, VIPs at mga kandidato na may banta sa kanilang seguridad.
“Campaigning with armed bodyguards is not healthy, sows fear among voters and is not a good example. Candidates who are afraid to die are not fit to serve,” ani Pacheco, De Villa at Herbosa.
Ayon kina Pacheco, De Villa at Herbosa, ang exemptions sa gun ban ay dapat limitado lamang para sa Presidente, Vice President, Senate President, Speaker of the House at Chief Justice dahil ang kanilang security personnel ay naka-uniporme at naka-duty.
Umaasa ang tatlo na papaboran ni PNP Director General Ricardo C. Marquez ang kanilang hiling na total gun ban sa election period.