This site uses cookies for analytics and to improve your experience. By clicking Accept, you consent to our use of cookies. Learn more in our privacy policy.
NAGHAIN na ng kandidatura bilang alkalde ng Lungsod ng Maynila si dating Mayor Alfredo Lim kahapon ng umaga.
Isinumite ni Lim ang kanyang certificate of candidacy (CoC) sa local na tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Arroceros St., Ermita kasama ang kanyang vice mayoralty candidate na si Manila First District Representative Benjamin “Atong” Asilo.
Ang 85-anyos dating senador at si Asilo kasama ang kanilang mga tagasuporta ay nagtipon sa monumento ng mga magulang ni PNoy na sina dating Pangulong Cory at dating Senador Ninoy Aquino sa kanto ng Roxas Blvd., at Padre Burgos Drive saka nagmartsa hanggang tanggapan ng Comelec sa Aroceros, hawak ang mga plakard na nakasaad ang “Bawal Magnakaw.”
Ipinangako ni Lim na ibabalik ang mga libreng serbisyo ng lungsod gaya ng healthcare at edukasyon sa sandaling makabalik siya sa puwesto.
Nilinaw ni Lim na hindi totoong bangkarote ang Maynila nang bumaba siya sa puwesto noong 2013, dahil may iniwan aniya siyang isang bilyong piso.
Iginiit ni Lim, kailanman sa loob ng ilang taon niyang panunungkulan sa Maynila ay hindi siya naakusahan ng korupsiyon.
Muling makakalaban ni Lim sa halalan si Mayor Joseph Ejercito Estrada na sinasabing maghahain ng CoC sa Biyernes at si Manila 5th District Rep. Amado Bagatsing, na unang naghain ng kandidatura nitong Lunes.