Bagatsing Mayor na tatakbuhin sa 2016
Hataw News Team
October 13, 2015
News
BITBIT ang battle cry na “Ang Bagong Maynila” pormal na inihain kahapon ni 5th District Congressman Amado S. Bagatsing ang kanyang certificate of candidacy (CoC) sa Commission on Elections (COMELEC) upang tumakbo bilang alkalde ng lungsod ng Maynila sa darating na 2016 elections.
Nasa kanyang ika-tatlong termino, dumalo muna ang kongresista sa isang misa sa San Agustin Church sa Intramuros upang magpasalamat at humingi ng gabay, bago nagtungo sa COMELEC kasama ang kanyang supporters at ang kanyang buong ticket sa pagtakbo bilang Mayor ng Maynila.
Si Bagatsing, anak ng isa sa naging pinakamahusay at matinong Alkalde ng lungsod na si Mayor Ramon D. Bagatsing ay kumakandidato bilang Mayor sa ilalim ng KABAKA (Kabalikat ng Bayan sa Kaunlaran Foundation) Party na kanyang itinatag noong dekada 80.
Makakasagupa ni Bagatsing ang dalawa sa pinakamalaking personalidad sa lungsod sa katauhan nina incumbent at re-electionist Mayor Joseph “Erap” Ejercito Estrada; at ang dating alkalde na si Alfredo Lim.
Si Estrada ay patuloy na binabato ng kaliwa’t kanang batikos dahil sa mga issue katulad ng privatization ng mga palengke sa Maynila, pagtataas ng business tax at real property tax, towing at clamping.
Malaking isyu rin laban kay Erap ang pinababayarang serbisyo sa anim na ospital na libre sa panahon ni Lim.
Si Lim naman ay pinaratangan ni Erap na hindi na kayang pamahalaan ang lungsod kaya umano nabaon sa utang at dumumi ang lungsod.
Sa isang panayam, inilatag ng kongresista ang kanyang mga plano kasama ng kanyang ticket para sa lungsod sa ilalim ng kanyang battle cry na “Ang Bagong Maynila.”
Ilan sa kanyang mga siniguro sakaling manalo ang pagkakaroon ng maayos at organisadong gobyerno sa lungsod, ang pagtutok sa problema kaugnay sa kaliwa’t kanang korupsyon at traffic.
Ipagpapatuloy naman at higit pang palalawakin sa pagbibigay ng basic services para sa mga Manilenyo na kanya nang ipinapatupad sa pamamagitan ng KABAKA tulad ng libreng konsultasyon, gamot, laboratory at diagnostic na nakapailalim sa KABAKA Clinic.
Habang free education, scholarship at sports program para sa kabataan, manpower training program, at maliit na espasyo para sa kabuhayan ng tinulungan nilang walang trabaho.
Ang muling ibalik sa pagiging “business friendly” ang lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagkakaroon ng maayos na pamamahala, pagtiyak sa kaligtasan ng mga negosyante at ma-mamayan ng lungsod, gayon din ang paghanap ng solusyon sa pagtaas ng 300% business tax at real property tax na ngayon ay iniinda umano lalo na ng maliliit na negosyante.
Binigyan-diin ni Bagatsing ang pagkakaroon ng pantay na trato at boses ng malilit at malalaking nogosyante hinggil sa mga nagaganap at pangunahing isyu sa lungsod.
“Yun lang naman ang hinihiling ko sa aking mga kababayan sa Maynila. Pagtulungan natin na muling maibalik ang dating saya at sigla ng ating mahal na lungsod. Because I will consult you every step of the way… consultative, leadership is what i intend to bring to the city of Manila. And definitely, with your help and talent, we can show to the world that Manila is back, Manila is again the best city and business are striving and people are happy. Samahan ninyo ako sa bagong Maynila,” pahayag ni Bagatsing.
Makakatambal ni Bagatsing si 5th district Councilor Ali Atienza, anak ni dating three termer Manila Mayor na ngayon ay Buhay Party-list representative Lito Atienza.
Ang listahan naman ng kanyang mga kongresista ay kinabibilangan ng anak ni dating Manila Mayor Mel Lopez na si Manny Lopez para sa 1st District of Manila, re-electionist congressman si Carlo Lopez, 2nd District, incumbent councilor Don Juan Bagatsing, 4th district, Cristal Bagatsing, at re-electionist Sandy Ocampo ng 6th district, na kilala rin bilang isa sa loyal supporters ni Lim.