2016 candidates todo-gimik sa CoC filing (Binay, Honasan naghain ng kandidatura)
Hataw News Team
October 13, 2015
News
INUNAHAN nina Ely Pamatong, Ninoy Definio at Augusto “Buboy” Syjuco ang iba pang malalaking pangalan sa politika.
Nabatid na bago pa nagbukas ang opisina ng Commission on Elections (Comelec) ay gumawa na ng eksena sa labas ang ilan sa kanila.
Si Pamatong ay nagsunog ng bandila ng China dahil daw sa pag-angkin ng naturang bansa sa mga isla ng Filipinas sa West Philippine Sea.
Si dating Sen. Panfilo “Ping” Lacson ay maaga na ring naghain ng kanyang CoC.
Habang nagsimba sina Vice President Jejomar Binay at ka-tandem niya na si Sen. Gregorio “Gringo” Honasan bago nagmartsa sa pagtungo sa opisina ng Comelec head office sa Intramuros, Maynila para maghain ng kanilang kandidatura.
Bumuhos ang mga pamilya at supporters ng dalawang kilalang kandidato na ang iba ay nagbitbit ng placards.
Sumama sa pangalawang pangulo sa kanyang paghahain ng CoC ang mga anak na sina suspended Makati Mayor Junjun Binay na pinadi-dismiss ng Ombudsman at Sen. Nancy Binay.
Agaw pansin din ang presensiya ni dating Tarlac governor at dating DILG Usec. Margarita “Tingting” Cojuangco, singer na si Rico J. Puno at dating Senate President Ernesto Maceda.
Hinigpitan ng poll body ang seguridad sa loob at labas ng tanggapan upang matiyak ang kaayusan ng sistema sa CoC filing.
Ang iba pang naghain ng CoC sa pagka-presidente ay sina Ralph Masloff, Adolfo Inductivo, Danilo Lihaylihay, Defino Baldomero, , Gen. David Alimorong, Camilo Sabio, Ephramin Defiño, Freddie Esher Llamas at Sel Hope Kang.
Celebrities naghain ng CoC
SUMABAY sa unang araw ng filing ng certificate of candidacy (CoC) ang ilang celebrities na sasabak din sa 2016 elections.
Naghain na ng kanyang certificate of candidacy si dating Laguna Governor ER Ejercito.
Kung maalala, napatalsik si Ejercito sa puwesto nang i-disqualify dahil sa overspending.
Ngunit sa darating na 2016 ay kakandidato muli ang actor-politician bilang gobernador ng lalawigan.
Kasama niyang naghain ng CoC ang aktor na si Dan Fernandez.
Magiging bise gobernador ni Ejercito si Fernandez.
Naghain na rin ng kanyang CoC para sa pagiging konsehal ng lungsod ng San Juan ang komedyanteng si Inday Garutay.
Habang muling kakandidato bilang konsehal ng Valenzuela City ang aktres na si Charie Pineda na naghain ng kanyang COC kahapon ng umaga.
Sasalain vs nuisance candidates
MISTULANG fiesta sa palibot ng tanggapan ng Comelec sa Maynila sa pagsisimula ng isang linggong palugit para makapaghain ng certificate of candidacy (COC) ang mga nagnanais tumakbo sa Halalan 2016.
Ayon kay Comelec Chairman Andy Bautista, maituturing na maayos ang unang araw ng filing ng COC bagama’t may ilang miyembro ng media na hindi sumunod sa kanilang patakaran.
Sa dami ng mga nagnanais tumakbo, siniguro ni Bautista na masusi nilang sasalain ang mga naghain ng COC para maihiwalay ang mga nuisance candidate.
Track record ng katunggali mabaho — PNoy
MINALIIT ni Pangulong Benigno Aquino III ang mga katunggali ng Koalisyon ng Daang Matuwid dahil sa mga hungkag nilang pangako, bahagi ng mga dating nagpahirap sa bansa at mabaho ang track record.
Sa kanyang talumpati sa pagpapakilala ng 12 senatorial bets ng Koalisyon ng Daang Matuwid sa Balay, Cubao, Quezon City, sinabi ng Pangulo na ang kanilang pangkat lamang ang may totoong record at plataporma at nasa panig ng prinsipyo at reporma.
Habang ang mga kalaban aniya ay ampaw ang mhs pangako pero nakalimutang sabihin kung paano ibibigay ang mga ito.
Mayroon din aniyang diresuhang nagsisinungaling at kung umasta ay tila hindi kasama sa mga nagpahirap sa atin noon.
Ang iba naman aniya ay aminado na sa kanilang napakasahol na track record, kaya tinatangka nilang ipresenta na kasinsahol at kasinsama nila ang lahat.
“Sinusunod nga nila ang sinabi ng isang matandang politiko: Kung di mo kayang bumango, pabahuin mo na lang ang iba,” dagdag pa niya.
Rose Novenario
Malaking gastos sa CoC filing itinanggi ng Comelec
ITINANGGI ni Comelec Chairman Andres Bautista na gumastos sila nang napakalaking halaga para sa paghahanda sa filing ng certificate of candidacy (CoC).
Ayon kay Bautista, hindi totoo ang lumalabas sa internet na gumugol sila ng milyon-milyon para sa naturang aktibidad na tatagal ng isang linggo.
Bagama’t inamin ng Comelec head na may mga binili silang gamit, mayroon ding hiniram lamang nila sa ilang nagmagandang loob.
Kabilang sa mga pinagamit ng private individuals at agencies ay ang malalaking TV screen sa labas ng kanilang tanggapan.
Layunin nitong makita ng mga tagasuporta ang kanilang dinadalang kandidato habang naghahain ng CoC kahit hindi na sumama ang marami sa loob ng filing area.
Sa pagtaya ni Bautista, aabot lamang sa mahigit P100,000 ang nagastos nila, kasama na ang pagbili ng upuan at pagsasaayos ng presscon area.