Tolentino Senador sa Vice Mayors
Hataw News Team
October 9, 2015
News
PINURI ng Metro Manila Vice Mayors League ang limang-taon-pamumuno ni Chairman Francis Tolentino sa MMDA at nagpahayag ng suporta sa kanyang kandidatura bilang senador sa 2016.
Sa isang resolusyon na pirmado ng 17 vice mayors ng Metro Manila, binanggit nila kung paano nagpakita ng liderato at commitment sa paglilingkod sa bayan sa pamamagitan ng mga programa na nagpataas ng kalidad ng pamumuhay sa kamaynilaan.
Kabilang dito ang pagbuhay sa Pasig River Ferry system, pagpapatupad ng single traffic ticketing system at paglalagay ng Southwest Integrated Bus Terminal.
Binanggit din ng konseho ang pagsasagawa ng MMDA ng sabayang #MMShakeDrill noong July 30 na nakakalap ng 6.5 milyong kalahok at 2.1-billion impressions o views sa social media.
“Di matatawaran ang ipinakitang kasipagan ni Chairman Tolentino sa limang taon niya sa MMDA. Di naging mahirap para sa amin na humingi ng tulong dahil alam namin 24/7 handa siya at ang MMDA para magresponde,” ani Las Piñas Vice Mayor Luis Bustamante, na kabilang sa mga dumalo nang ihayag ni Tolentino ang pagbibitiw sa isang programa sa bakuran ng MMDA.
“The MM Vice Mayors League fully supports and endorses Chairman Francis Tolentino, with his proven effective leadership and dedication to serve the public, as a candidate for Senator in the 2016 national elections,” nakasaad sa resolution.
Masaya namang tinanggap ni Tolentino ang endorsement at pinasalamatan ang vice mayors at mayors sa kanilang suporta at kooperasyon.
“Sila ang susi sa kaunlaran ng Metro Manila. Marahil sa laki ng utang na loob ko sa kanila, kahit limang taon muli ay hindi ko sila kayang isa-isang mapasalamatan,” wika ni Tolentino.
Ang resolution ay pirmado nina vice mayors Macario Asistio III (Caloocan), Luis Bustamante (Las Pinas), Jose Fabian Cadiz (Marikina), Leonardo Magpantay (Makati), Jeannie Sandoval (Malabon), Edward Bartolome (Mandaluyong), Francisco Domagoso (Manila), Artemio Simundac (Muntinlupa), Clint Nicolas Geronimo (Navotas), Iyo Christian Bernardo (Pasig), Marlon Pesebre (Pasay), Gerald German (Pateros), Ma. Josefina Alimurung (Quezon City), Franciso Javier Zamora (San Juan), Jose Enrico Golez (Parañaque), Ricardo Cruz (Taguig) at Eric Martines (Valenzuela).