Hostage taker sa bus utas sa parak (Coed tinutukan, pasahero nagpulasan)
Hataw News Team
October 9, 2015
News
PATAY ang isang hindi nakilalang lalaking hinoldap at ini-hostage ang isang college student sa loob ng isang pampasaherong bus, makaraang barilin ng isang opisyal ng Manila Police District-Police Station 5 na nagresponde sa insidente kahapon ng hapon sa Pedro Gil, Ermita, Maynila.
Hindi na umabot nang buhay sa Philippine General Hospital (PGH) ang suspek na may gulang na 30-35 anyos, tinamaan ng bala sa tiyan na tumagos sa taligiran at sa kaliwang dibdib, armado ng isang improvised icepick.
Tumagal lamang ang insidente ng 30 minuto na nagsimula dakong 2:20 p.m. sa southbound malapit sa panulukan ng Pedro Gil St., Ermita, Maynila.
Hindi na nagkaroon ng negosasyon dahil binaril na ni Senior Insp. Dionel Brannon, hepe ng Lawton Community Precint ,ang suspek nang makakita nang tiyempo nang makalapit sa bus (TYV-303) na may biyaheng Starmall Alabang, pag-aari ng HM Transport, at minamaneho ni Mario Olivar.
Ayon sa pasaherong si Marigold Nicolas, 35, ng GMA-Cavite, sumakay sa bus ang suspek sa Lawton.
“Yong una niyang tinabihan lalaki, nakahalata siguro na may masamang pakay, kaya yung lalaki bumaba pagdating sa may City Hall, nagsalita pa nga yung lalaki dun sa suspek nang “Bakit mo ba ako sinusundan?” at maging sa driver nagsalita pa nang ayaw akong pababain nito,” ayon kay Nicolas.
Pagkaraan, kinalawit at tinutukan ng suspek ang babae na nakapagsalita pa ng “Kuya huwag ako,” ayon sa katabi ng biktima na si Maria Fe,18, estudyante.
Kasunod nito, nagtalunan ang mga pasahero sa bintana sa likurang bahagi ng bus. Habang ang driver na si Olivar at konduktor ay bumaba sa pintuan.
Naiwan sa loob ng bus ang suspek at ang hostage na estudyante ng Technological University of the Philippines (TUP). Sa puntong ito, pinalibutan ng mga pulis ang nasabing bus.
Nang makita ng estudyante ang paglapit ng mga pulis, yumuko siya at pagkaraan ay binaril ni Brannon ang suspek na agad tinamaan.
Isinugod sa PGH ang suspek ngunit hindi na umabot nang buhay.