BIR Chief Kim Henares kinasuhan ng graft
Hataw News Team
October 8, 2015
News
NAHAHARAP sina Bureau of Internal Revenue (BIR) commissioner Kim Henares at apat pang opisyal ng kasong graft sa Tanggapan ng Ombudsman base sa reklamo ng isang negosyanteng babaeng kinasuhan nila ng tax evasion at paglabag ng National Revenue Code.
Sinampahan kahapon, Oktubre 7 (2015), ni Marivic Ramilo, managing partner ng Goodwill Metal Co., Ltd. sina Henares at revenue officers Jefferson Ocampo, Marian Duenas, Socrates Babia at Charlito Samson ng Legal Division ng BIR sa Intramuros, Manila ng paglabag sa Section 3 ng Republic Act 3019, o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Sa kanyang reklamo sa Ombudsman, sinabi ni Ramilo na kinasuhan siya ng tax evasion nina Henares nang walang batayan.
Idiniin ni Ramilo na sa letter complaint ni Henares, hindi sinabi rito kung nagkaroon nga ng aktuwal na imbestigasyon at assessment ng buwis na dapat bayaran ng kompanya para sa taon 2009 at hindi rin ipinagbigay-alam kung kailan nagkaroon ng notice of assessment, final assessment notice at demand to pay sa kanyang kompanya.
“Dahil dito, makikitang ang criminal complaint na nilagdaan ni Commissioner Henares at isinampa sa Department of Justice (DoJ) noong Agosto 20, 2015 ay na-prescribe na, kaya wala itong required probable cause,” punto ng abogado ni Ramilo na si Atty. Bonifacio Alentajan.
Sa ilalim ng Section 281 ng National Revenue Code, nakasaad na “prescription of violations of any provision of the revenue code shall begin to run from the day of the commission of the violation of law, and if the same be not known at the time, from the discovery thereof and the institution of judicial proceedings for its investigation and punishment,”dagdag ni Alentajan.