Camarin Elem School hiniling i-disinfect (Kaso ng meninggo itinanggi ng assistant principal)
Hataw
October 7, 2015
News
ISANG 12-anyos Grade VI pupil ang kasalukuyang nakaratay sa isang ospital sa Maynila dahil sa Meningococcemia.
Kinompirma, ito ng mga magulang at kapitbahay ng biktima na kinilalang si Anjanette Llarinas matapos magkagulo sa Camarin Elementary School dahil tumanggi ang assistant principal sa kahilingan nila na pansamantalagang ipa-quarantine ang paaralan upang ipa-disinfect nang sa gayon ay hindi mahawa ang ibang estudyante.
Sa Clinical Abstract na inilabas ng San Lazaro Hospital pirmado ng isang Dr. Magie Lucas-Delos Reyes, kinompirma nitong may Meningococcemia ang pasyente.
Bago ito, nitong nakaraang Setyembre 25, dinala sa FEU NRMF Medical Center sa Fairview, Quezon City ang elementary student dahil sa lagnat, pananakit ng mga kasu-kasuan at pagsusugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Dalawang araw na-confine si Llarinas sa FEU pero dahil malaking halaga ang hinihingi ng pribadong ospital at umabot na sa P22,000 ang kanilang bill sa loob lamang ng dalawang araw, ipinalipat ng pamilya sa San Lazaro Hospital ang pasyente.
Sa San Lazaro, agad isinailalim sa iba’t ibang pagsusuri ang pasyente at doon nakompirma na biktima siya ng meningococcemia.
Nang makompirma ito, hiniling ng mga magulang na nag-aaral ang mga anak sa Camarin Elementary School sa Barangay 175, Distrcit I, Caloocan City, sa principal na si Ms. Adoracion Santos na pansamantalang i-quarantine ang paaralan at isailalim sa disimpeksiyon para sa kaligtasan ng mga bata.
Ngunit, mariing itinanggi umano ng assistant principal na kinilalang si Joel Baggay, na may meningococcemia si Llarinas.
Dahil dito, labis na nag-aalala ang mga magulang sa kaligtasan ng kanilang mga anak.
Kahapon, pinayuhan ng Department of Health (DoH) ang mga magulang na makipag-ugnayan sa kanilang local government officials upang iutos na ipa-disinfect ang paaralan.
Gayon man, nangangamba pa rin ang mga magulang dahil hindi naglalabas ng pahayag at direktiba ang opisyal ng paaralan na sina Santos at Baggay kaugnay ng meningococcemia incident.
Exclusive Report ni Vhioly Rosatazo