Ekonomiya atupagin ‘wag si Grace — Solon
Hataw News Team
September 30, 2015
News
“MAS mahalaga sa mga katunggali ni Sen. Grace Poe ang panalo, hindi ang pamumuno – winning, not leading. Nakalilimutan nila na ang halalang ito ay tungkol sa buhay ng isandaang milyong mamamayan, at hindi tungkol sa ‘citizenship’ ng iisang tao.”
Ito ang pahayag ni Malabon Rep. Jaye Lacson-Noel kasabay ng pagpuna sa mga politikong nasa likod ng “kababawan sa usapin ng citizenship” ni Poe dahil “kung talagang sila ay nagmamalasakit para sa bayan, pagtutunan nila ng pansin ang mga tunay na problema ng ating mga kababayan: nagliliparang presyo at kawalan ng trabaho.”
“Artificially genera-ted” umano ang mga isyu sa citizenship ni Poe dahil pinalitaw lamang umano ito ngayong “ang senadora ang nangungunang kakandidatong pangulo sa mga survey.” Hindi umano ito pinag-uusapan noong tumakbo bilang senador at lalong tahimik ang usapin noong si Poe ay “masinsinang sinusuyo pa lamang bilang bise presidente ng ilang politiko.”
“Ang mga taga-Malabon, hindi kaiba sa buong bansa, ay mas nag-aalala kung papaano mapagkakasya ang kakarampot na kita dahil nagtataasan ang presyo at kulang ang pagkakataon sa maayos na kabuhayan,” ayon kay Noel.
“Ngunit imbes na pag-usapan ang mga isyung ito, mas pinipili nilang pagtuunan ng pansin ang pagkakadiskwalipika ng ‘presidential frontrunner,’ hindi ang paghahanap ng paraan upang mapabuti ang kalagayan ng ating mga kababayan,” paliwanag pa ng mambabatas.
Ipinakita ng June 2015 survey ng Pulse Asia na 47 percent ng mga Filipino ay nag-aalala sa mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa at 46 percent ang may agam-agam sa trabaho at kita.
Ayon sa mga nakalipas na pagtala ng survey firm kita, trabaho, at mataas na presyo ang itinuturing na ‘pinakamahalaga’ at “humihingi ng agarang pagtuon” ng mayorya sa bansa – “across geographic areas and socio-economic classes.”
Ayon kay Noel, ang kasong isinampa laban sa citizenship ni Poe sa Senate Electoral Tribunal ay bahagi ng isang “concerted effort” upang hilahin pababa ang popularidad ng nangungunang pambato sa pangulo “at iligaw ang ating atensiyon sa mga tunay na isyung dapat nating atupagin.”
Pinapurihan naman ng mambabatas si Poe at ang katambal na si Sen. Francis Joseph “Chiz” Escudero sa kanilang inihayag na “konkretong plataporma ng pangangasiwa na tutugon sa kambal na usapin ng trabaho at mataas na presyo.”
“Sa ngayon, nakatuon ang kanilang kampanya sa paghahayag ng kanilang plano para sa bansa at kung saan nila tayo dadalhin – patunay lamang sa kanilang malasakit para sa ating mga kababayan.”