Grabeng atake vs Grace-Chiz paghandaan (Poe dumoble ang lamang kina Binay at Mar)
Hataw News Team
September 28, 2015
News
DAPAT nang paghandaan ni Sen. Grace Poe at Sen. Chiz Escudero ang mas marami pang pag-atake sa kanila habang patuloy ang pangunguna sa kabila ng mas maagang pangangampamya ng kanilang mga katunggali – lalo pa ngayong ipinapakita sa mga bagong resulta ng mga survey na nasa “double-digits” na ang kalamangan ni Poe kay Vice President Jejomar Binay at dating Interior and Local Government Secretary Mar Roxas sa isang “three-way contest.”
Matapos maisapubliko ang pinakahuling pagsukat ng Pulse Asia survey na napanatili ni Poe ang pangunguna sa napipisil ng publikong pambato sa pagkapangulo at ang malakihang pag-ungos ni Escudero sa ibang tatakbo bilang bise-presidente, sinabi ni House Deputy Speaker Giorgidi Aggabao na walang ibang gagawin ang kampo nina VP Binay at Roxas kundi ang paigtingin nang husto ang kanilang paninira laban sa nangungunang tambalan “dahil sa kabila ng agresibong pangangampanya at pagbaha ng kanilang ads sa media, kakarampot ang isinukling suporta sa kanila ng publiko”
“Nakamamangha ang mga numero ni Grace at Chiz kahit na hindi pa sila nagpapahayag ng kahandaang tumakbo noong isinagawa ang Pulse Asia survey,” paliwanag ni Aggabao, isa sa mga naunang lider ng Nationalist People’s Coalition (NPC) na nagpahayag ng suporta kay Poe at Escudero.
Ang survey na isinagawa mula Agosto 27 hanggang Setyembre 3 ay tumayong kompirmasyon sa pangunguna ni Poe sa karerang pampanguluhan na nagtala ng 27 percent. Sumunod sa kanya si Binay na nakakuha ng 21 percent; si Roxas, 18 percent; at si Mayor Rodrigo Duterte ng Davao City na pumang-apat sa itinalang 15 percent.
Ayon kay Aggabao, ang tatag ng naitatalang mga numero ni Poe ay kumakatawan sa matibay na ‘support base’ na hindi natinag sa gitna nang walang habas na atake at walang basehang paninira na nakasentro sa mababaw na isyu ng citizenship na ipinupukol laban sa kanya.”
“Sa ‘margin of error’ na 3 percent, nakita ang patunay sa tatag ng natatanggap nitong suporta dahil lumalabas na hindi nagbago mula sa numerong nakuha mula sa survey noong Hunyo,” dagdag ng mambabatas mula Isabela.
Ibinunyag din ni Aggabao na mas malaki ang naitalang kalamangan ni Poe kay Binay at Roxas sa isang “three-way race.”
Ang impormasyong ito ay ibinigay umano sa kanya ng isang “source” na may “access” sa nabanggit na resulta ng pinakahuling survey.
“Sa isang 3-way contest sa pagitan ni Sen. Poe, VP Binay at Sec. Roxas, iniwanan sila ni Sen. Grace sa paraan ng ‘double-digit lead’ – 29 percent ang kay VP, 22 percent lamang ang nakuha ni Sec. Roxas samantala pumalo naman nang husto sa 39 percent si Sen. Poe.”
Kahanga-hanga rin umano, ayon kay Aggabao, ang pagdaluyong ng numero ni Escudero na “biggest gainer nitong survey” sa naitalang pagtaas ng sampung porsyento kompara sa dati nitong numero.
“Umakyat ng sampung puntos ang kay Chiz kahit walang political ads at nanatiling nakatuon lamang sa lehitimong isyu – hindi nito kinailangang manira pa gaya ng ginagawang pag-atake sa kanya ng mga tagasupoprta ng kanyang mga katunggali,” ayon sa kinatawan ng Isabela sa Kongreso.
Sa vice presidential survey naman, tanging si Poe at Escudero lamang ang nakapagtala ng double digits na may 26 percent si Poe at 25 percent naman ang kay Escudero. Mabababa na ang nakuha ng mga sumunod sa kanila – 7 percent lamang ang kay Sen. Bongbong Marcos at Sen. Alan Cayetano, samantalang si Camarines Sur Representative Leni Robredo ay nagtala lamang ng 2 percent.
“Sa kanilang matiyagang pagtalakay sa mahahalagang usapin sa bansa, na hindi mapanira maging sa mga katunggali, kinakatawan ng tambalang Grace-Chiz ang uri ng pamumunong malakas ang hatak sa publikong pagod na pagod na sa tsismis at paninira – ang uri ng maruming pamomolitika na gagamitin laban sa kanilang tambalan habang papalapit ang halalan,” pahayag pa ni Aggabao.