KWF lalahok sa 36th MIBF!
Hataw
September 15, 2015
News
TAMPOK sa 36th MIBF ang Mga Piling Tula ni Jaroslav Seifert na isinalin ng mga kasapi ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) at inedit ni Giancarlo Lauro Abraham V.
Si Seifert ang kauna-unahang Czech na nagkamit ng Premyo Nobel sa lárang ng panitikan.
Kasabay rin na ilulunsad sa nasabing pagtitipon ang aklat na Ang Metamorposis ni Franz Kafka na isinalin ni Prop. Joselito D. Delos Reyes ng Unibersidad ng Santo Tomas, at kabilang sa proyektong Aklat ng Bayan ng KWF.
Ang ANB ay serye ng publikasyon ng KWF na ang layunin ay maibahagi ang mga makabuluhan at napakahalagang karunungang pangwika na nakaugat sa kultura at kasaysayan. Mithiin ng KWF na makapaglimbag ng mga akademikong saliksik gamit ang wikang Filipino na makaaambag sa lárang ng edukasyon sa Filipinas.
Ang ANB ay bahagi ng isang pangmatagalang proyekto ng KWF na naglalayon na makapaglathala ng mga publikasyon na makaaambag sa karunungan ng bawat Filipino na magbibigay-diin sa kaniyang pagkakakilanlan bilang isang Filipino.
Mahigit 20 ang publikasyon na may iba’t ibang saliksik sa iba’t ibang larang. Ilan sa mga aklat na ito ang pagsasalin ng mga panitikan ng Filipinas, salin ng mga saliksik, at salin ng mga klasikong akda mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ilan sa ANB ay Buhay at Kulturang Filipino ni Norberto L. Romualdez; Napapanahong Panlipunang Pilosopiya ni Manuel Dy Jr.; Ang Rebolusyong Filipino ni Apolinario Mabini; Atlas ng mga Bansa sa Mundo; Pitong Kuwento ni Anton Chekhov; Dandaniw Ilokano; Gitanjali ni Rabindranath Tagore; Niyebe ng Kilimanjaro ni Ernest Hemingway; Ang Metamorposis ni Franz Kafka; Ang Republika ni Mabini; Manwal sa Masinop na Pagsulat, at Introduksiyon sa Pagsasalin.
Maaaring makabili ng mga publikasyon ng ANB sa 2F Watson Bldg., 1610 J.P. Laurel St., San Miguel, Lungsod Maynila. Para sa kaukulang tanong, tumawag sa (02) 736- 2524; lokal 101 at hanapin si Liwayway Rivera. Bisitahin rin ang www.kwf.gov.ph para sa karagdagang impormasyon.